Quarter Labels

Search

About Us

We're from the Regional Science High School- IX. And also, we're teenage girls.
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na 3rd Quarter. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na 3rd Quarter. Ipakita ang lahat ng mga post

2/28/2013

Pork Empanada

Madalas ka ba sa Katipunan?
Siguro’y nakita mo na ang Frankie’s Steaks and Burgers, sa tabi ng bagong
Cravings, malapit sa Lily of the Valley Beauty & Grooming Salon. Kung nakita mo na iyon,
nakita mo na rin siguro si Bototoy.
Lunes hanggang Sabado, inaakyat ni Bototoy ang liku-likong landas mula
Barangka hanggang service gate sa likod ng Ateneo Grade School, kasama ng tatay
niyang maintenance engineer sa paaralan at ng mga kalaro niyang sina Nono, Itoc, at
Radny. Karamihan sa mga batang umaakyat doo’y humihimpil sa malawak na covered
court ng College, sa tabi ng Our School, malapit sa Obesrvatory, kung saan sila nagaabang
ng magba-badminton at tennis na tatawag ng pulot boy. Si Bototoy naman ay
hindi humihimpil doon. Lalakarin niya ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tatawid
siya sa Katipunan, upang maupo sa sentadong island sa harap ng Frankie’s Steaks and
Burgers.
Natatandaan mo na ba siya?
Anim na taong gulang si Bototoy. Ahit ang kaniyang ulo maliban sa tumpok
na buhok sa ibabaw ng kaniyang noo. Mabilog at masigla ang kaniyang mga mata.
Mabilog din ang kaniyang pisngi, lagi siyang nakangiti, at mayroon siyang mga ngipingkuneho.
Suot-suot niya’y kamiseta’t shorts at sandals na Happy Feet na laging kupas at
maluwang, pagkat pinaglakhan ng kaniyang mga kapatid.
Maliit si Bototoy, kaya’t di siya humihimpil sa covered court. Doon ay lagi
siyang nauunahan sa pagpulot ng bola nina Nono at Itoc at Radny at ipa pang batang
Barangkang higit na maliksi at higit na malaki sa kaniya. Kaya nga’t isang araw ay
napadpad siya sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers, at doon ay nagkusa siyang
mag-watch-your-car. Kaniya-kaniya ang lugar na iyon, pagkat ang ibang bata’y nasa
harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s, sa iba pang mga
bahagi ng Katipunan, kung saan marami at sunud-sunod ang pumaparadang sasakyan.
Bagamat mangilan-ngilan nga lamang ang tumitigil sa harap ng Frankie’s ay kuntento na
si Bototoy – kahit kung minsan ay hindi siya inaabutan ng kahit singko, at kung minsan ay
hindi siya pinapansin, at kung minsan ay binubulyawan pa siya ng may-ari ng sasakyan.
Kung mahina ang raket ay magdamag siyang nauupo sa sementadong island sa harap ng
Steaks and Burgers, na parihaba niyang trono, maalikabok tuwing tag-init at tuwing tagulan
ay maputik.
Ngayon – naaala’la mo na ba siya?
Pork Empanada
ni Tony Perez
Labing-isa ang kapatid ni Bototoy – ang apat na panganay ay nagsipagasawa’t
mayroon nang pamilya. Ang sumunod pang apat ay nagtapos ng hay iskul at
kasalukuyang iginagapang ang pag-aaral ng tatay nilang maintenance engineer at ng
nanay nilang hilot. Ang sumunod na dalawa’y nasa elemetari pa. Si Bototoy at ang
bunsong si Nining ay pinagpasiyahang huwag munang pag-aralin, pagkat libre man ang
matrikula’y sakit ng ulo ang pambili ng gamit at kasangkapan sa mga prodyek.
Paboritong kapatid ni Bototoy si Nining. Tuwing papanaog sa Barangkang kasakasama
ng tatay at mga kalaro, bago umuwi’y nagdaraan siya sa tindahan ni Aling Rory:
sa gaano mang kaliit na kinita sa pagwa-watch-your-car ay ibinibili niya ang bunso
ng kahit na anong munting pasalubong: isang supot na Oishi o Ding Dong o Tomi, o
dalawang balot na Choc-Nut o Kripy Bar o Cloud 9, o tatlong pirasong White Rabbot
o Snow Bear o Judge. Saka lamang siya papasok at susuot sa pasikut-sikot na looban,
tungo sa kanilang tinitirhan. Sa may poso pa lamang ay tanaw na niya ang malinggit na
si Nining, nakaupo sa may pintuan, naghihintay, nakadamit at sadals na Happy Feet na
kupas at maluwag din, ang mga mata’y mabilog at masigla rin, ang mga pisngi’y mabilog
din. Nakangiti. At tulad niya’y mayroong mga ngiping-kuneho.
Pagkatapos maghapunan ng patis at kangkong, o kung minsa’y bagoong, sina
Bototoy at Nining ay tumutulong sa nanay sa pagtitiklop ng sinampay, pagkatapos ay
nakikipanood ng telebisyon sa kapitbahayna sina Aling Mela. Bago mag-alas-otso’y
pinapapanhik na sila, kaya’t naglalaro’t naghuhuntahan na lamang sa magkabila ng maliit
nilang kahon ng mga laruang plastik.
“Bukas, Kuya, ano’ ’uuwi mo?” laging tanong ni Nining.
“’Di ko sasabihin, sorpresa,” lagi namang sagot ni Bototoy.
“Marami’ klase’ kendi?”
“Maraming-marami. ’Pag marami’ ’ko’ makuha’ pera, mas marami’ ’ko’ mabibili.”
“Kuya, sa’n ka ku’kuha’ pera?”
“Sa Katipunan. Don ako nagtatrabaho.”
“Do’n sa trabaho ni Tatay?”
“Hindi, mas malayo pa. Tatawid ka pa. Mi’san, kung gusto mo, ‘sasama kita.”
“Gusto ko, Kuya.” At tulad ng dati, magbibida si Bototoy tungkol sa kaniyang pagwa-watch-yourcar
sa harap ng Frankie’s. Tungkol sa mga taong nagagawi roon. Tungkol sa kanilang mga
kasuotan. Tungkol sa kanilang mga sasakyan. Tungkol sa minsa’y nag-abot sa kaniya ng
limang piso.
Si Nining ay mangangarap ng kendi at damit at laruan. At si Bototoy naman ay
mangangarap nng pagbabantay ng pagkarami-raming sasakyan, sa harap ng Frankie’s
Steaks and Burgers, sa Katipunan.
Madalas ka ba roon?
Siguro’y narinig mong tunay na masarap ang pagkain doon. Taga-Mabalacat
ang may-ari at ubod ng linamnam ang kaniyang tenderloin at t-bone at spare ribs at
Hawaiian at Salisbury at a la pobre at beef teriyaki at tocino at skinless at tapa at arroz
a la Cubana, na laging hanap-hanap ng nagsisidayo roon. Maliit at makitid ang puwesto,
ngunit malinis at naka-aircon. Nakagigiliw sa paningin ang mga ilaw na pendiyente sa
ibabaw ng mga mesa, at laging may masayang tugtugin. Sa tabi ng kaha, may lata-latang
turrones de casuy at basket-basket na petit fortunes at gara-garapong yemas at balotbalot
na espasol at bote-botelyang garlic peanuts.
Pero iisa ang pambato ng Frankie’s Steaks and Burger – di lamang sa mga regular
na parokyano kundi sa lahat ng nagsisidaan, pagkat sa tabi ng pintuang salamin ay may
aluminyum na bintanang pan-take-home, at sa ilalim ng bintana’y may makulay na
paskil na tinitikan ng pentel pen na pula at asul sa isang parisukat na pirasong dilaw na
kartolina:
FRANKIE’S ESPECIAL
PORK EMPANADA
P 10.50
Nakakain ka nab a ng pork empanadang iyon?
Uma-umaga, tangha-tanghali’t hapon-hapon, di iilan ang nagsadya sa Katipunan
at tumigil sa harap ng Frankie’s at kumatok sa bintana at nag-order ng pork empanadang
iyon: isa-isa, dose-dosena, grosa-grosa – pambaon, pangmeryenda, panregalo, panghain
sa bisita. Di rin iilan ang nag-order at doon mismo kumain, kung hindi sa tapat ng
bintana’y sa harap o gilid ng munting restawran, at kung hindi sa harap o gilid noon
ay sa nakatigil nilang sasakyan. Lagi silang pinanonood ni Bototoy, nakatuntong sa
sementadong island, tahimik at nag-iisa.
Minsa’y isang binata at isang dalaga ang nagparada ng Galant, at nag-order ng
pork empanada at Coke, at doon nagpalamig sa loob ng sasakyan.
“Bos, watsyorkar,” magalang na mungkahi ni Bototy, na winalang-bahala lamang
ng dalawa, palibsahang may masayang biro silang pinagtatawanan. Muling naupo si
Bototoy sa sementadong island. Pagkat bukas ang bintana ng Galant, dinig ni Bototy ang
kanilang usapan habang sila’y kumakain, maging sa kaniyang kinauupan:
“I always buy this, it’s so ‘sarap,” sabi ng dalaga.
“’Galing the crust,” sabi ng binata.
“Yeah, it’s so manipis and it’s so malutong, ‘di ba?”
“When you bite it, it’s like manamis-namis.”
“This one’s really, really, really may Tita’s favorite. She’ll go out and make lakad
just to buy. It has giniling with no taba, and bacon bits, and chips, and raisins, and water
chestnuts, and chopped onions and carrots, and grated cheese. So diff’rent from the
commercial ones you buy in other places, how harang, it’s all potatoes and it’s so maalat
and it tastes like flour.”
Matapos magmirindal ay hinagis nila sa labas ang mga basyong plastik, na
matapos inuma’y kinuyumos muna’t pinilasan, at ang mga pirasong wax paper na
pinagbalutan ng empanda, at ang manipis na sorbelyeta.
Sabi ni Bototoy sa kaniyang sarili, “Pag yumaman ako, kakain ako no’n.”
Pinagmasdan niya ang dilaw na paskil, at ang aluminyum na bintana, at ang
weytres na naroo’t nag-aayos ng bunton-buntong pork empanadang nangagkabalot ng
wax paper sa mga plastik na bandeha.
Sinuksuk ni Bototoy ang isa niyang kamay sa kaliwang bulsa ng maluwang
niyang shorts: doo’y may dalawang beinte-singkong bagol. Sinuksik ang kabila sa
kanang bulsa: isang diyes, tatlong singkol, dalawang mamera. Matagal-tagal pa, at
marami pang sasakyang babantayan, bago si makabili ng kahit isang pork empanada.
Kung sana’y malaki-laki lamang siya, nang makapag-pulot-boy sa covered court, o
kaya’y makapangagaw ng iwa-watch-your-car sa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng
McDonald’s at ng Kentucky’s! Tatlong piso at kuwarenta sentimos lamang ang kinita niya sa buong maghapon.
Nang sunduin niya ang tatay niysa sa Maintenance Department ay tahimik siya’t malayo
ang tingin. Kagyat na naisip ng tatay niya’t mga kalaro kung siya’y nadapuan ng sakit,
ngunit dahilan niya’y napagod lamang siya sa kawa-watch-your-car sa harap ng Frankie’s.
Sa tindahan ni Aling Rory ’y matagal niyang pinagmunimunihan ang
ipapasalubong sa bunsong kapatid. Nakuntento siyang bumili ng isa balot na ruweda.
May dalawang piso’t labimpitong sentimo siyang natitira – imbes ibili ng lastiko o holen
o teks o ihulog sa alkansiya ng nanay ay maitatabi niya. Bilang simula ng kaniyang pagiipon.
Noong gabing iyon, bago ganap na makatulog ay nanagimpan siya ng masarap
na buhay na walang takot at walang pagod at walang sakit at walang kakulangan sa pera
at walang problema, at sa pinilakang tabing ng kaniyang diwa’y kasama niya si Nining,
at sila’y nagbibiruan, at sila’y nakasakay sa isang (maliit, mangyari’y panagimpang-bata)
Galant, at sila’y nagparada sa harap ng Frankie’s, at sila’y nag-order ng pork empanada at
Coke, at doon sila nagpalamig sa loob ng sasakyan.
Pagdilat niya’y maliwanag na sa labas, at yinuyugyog siya sa balikat ng tatay niy.
“’Toy – sasama ka ba?” dinig niyang bulong ng tatay niya.
“Opo,” tugon niya, bagamat talos niya na sa umagang iyon ay manghuhuli sina
Nono at Itoc at Radny ng alupihang-dagat sa San Roque, at noong makalawa lamang ay
naghanap siya ng malinis na basyo ng Ligong paglalagyan, at nagpaalam siya sa nanay.
Dalawang piso lamang ang kinita niya noong araw na iyon, kayat sa tindahan ni
Aling Rory ’y higit pa siyang nagmunimuni bago nagpasiyang bumili ng apat na pirasong
Tootsie Roll, na siyang pinasalubong niya kay Nining. Ang basyo ng Ligong ginawa
niyang sisidlan ng sinsilyo’y kaniyang nadagdagan – nang kaunti lamang, gayunpama’y
nadagdagan. Inalog niya iyon at pinagmasdan. At inisip na sa loob ng sanlinggo’y
maaaring mangalahati na ang laman niyon. At inisip din na sa loob ng isang buwan ay
makabibili na siya ng pork empanada. At muli niyang inalog at pinagmasdan.
“Nag-iipon ako, Nining,” pagtatapat niya sa bunsong kapatid, bago niya ibinaon
ang basyo sa ilalim ng maliit nilang kahon ng mga plastik na laruan. “’Pag marami na ’ko’
pera, bibili tayo’ empanada. Masarap iyon.”
“Parang litson, Kuya?” usisa ni Nining.
“Mas masarap. Mayayaman ang kumakain no’n.”
“Sa bertdey ko, Kuya?” usisang muli.
“Oo. ’Pag marami na ’ko’ pera. Kakain tayo do’n.”
At sandaling nagliwanag sa isip ni Nining ang larawan ng sari-saring maririkit na
kainan, na madalas nilang matanaw ng nanay mula sa mga dyipni at bus na kanilang
nasasakyan.
Tulad ng maraming kainan sa Katipunan, hindi ba?
Tulad ng mga kainan doon na hinihimpilan ng mga batang watch-your-car. Sa
harap ng Shakey’s, at ng Jollibee, at ng McDonald’s at ng Kentucky’s at ng Frankie’s
Steaks and Burgers.
At Isa si Bototy sa mga batang iyon, kaya’t siguro’y nakita mo na siya.
Pagkat kinabukasa’y naroroon na naman si Bototoy, naghihintay at nagbabantay.
Uma-umaga, tangha-tanghali, hapon-hapon. Nakilala niya ang mukha ng pagtitiyaga at
ng pagtitiis, at ng pagsisikap, at ng pag-aasam, at ng pagbabakasakali. Ng ginhawa ng
pagpanhik sa bahay na may bulsang puno ng sinsilyong kumakalansing. Ng lungkot ng
pagkaalat, ng paghiga sa banig na malakas ang pagnanasang makabawi kinabukasan. At
kinabukasan pa. At kinabukasan na naman. At kinabukasang muli.
Datapuwat sa pagdaan ng mga araw, ang sisidlang basyo ng Ligo’y nangalahati
rin, at dumami ang nilalaman. Nang bilangin ni Bototoy ang sinsilyo’y umabot na sa
beite-uno, at maibibili na niya ng pork empanada para sa kanilang dalawa ng bunsong
kapatid.
“Bukas tayo bibili,” malapad na ngiti ni Bototoy. Naghagikgikan sila at nanggigil sa
tuwa, at nagsilitaw ang kanilang mga ngiping-kuneho.
Madaling-araw pa lamang ay gising na gising na ang magkapatid. Nagbihis si
Nining ng kaisa-isa niyang barong panlakad – kulay-koton kendi at may kuwelyong maypalibot
na kulay-sapin-sapin at malaking lasong kulay-koton kendi rin – na binibihisan
lamang tuwing may binyag o kasal o pistang-bayann o simbang gabi o dalaw-aginaldo.
Nagpulbos siya’t nagsuot ng hikaw niyang plastik at hugis-bituin. Si Bototoy naman,
pagkat walang sariling maayos na panlakad ay nagsuot pa rin ng maluwang niyang
shorts, at ng kamisetang may dibuhong kupas na oso at mga titik na “so happy summer
day be many friends”, na hiram sa nakatatandang kapatid. “Papasyal ang dalawa, ha,” biro ng nanay nang sila’y paalis na.
“’Be-bertdey parti kami Kuya,” masayang bitiw ni Ninging, at humawak siya nang
mahigpit sa kamay ni Bototoy.
Inakyat nila ang liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod
ng paaralan, kasama ng tatay nila at nina Nono, Itoc, at Radny. Nagdaan sila sa covered
court, at nilakad ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tumawid sila sa Katipunan,
patungong Frankie’s Steaks and Burgers.
Samatala’y malihis muna tayo.
Kung madalas ka nga sa Katipunan, at kung nakita mo na nga ang Frankie’s Steaks
and Burgers, at kung nakakain ka na nga ng Frankie’s Especial Pork Empanada, nakita mo
na rin siguro ang weytres na madalas matoka sa aluminyum na bintana roon.
Noong umagang iyon ay muling gumising nang may toyo sa utak ang weytres.
Noong kasing nakaraang linggo at nagsara sila ng kainan, nang magbilangan ng pera’y
natuklasang kulang ng beinte-uno ang kabuuang bayad sa empanada. Sinabunan ng
may-ari ang weytres sa pagiging burara, at pinaghinalaan pang nangupit ng dalawang
empanada. Bagamat di siya inawasan ng sahod, labis na dinamdam ng weytres ang
pangyayaring iyon. Totoo ngang siya’y burara – bukod sa suplada at masungit at laging
nakaismid – ngunit sa pangungupit ng empanada’y wala siyang kasalanan.
Noong umagang iyon, nang ipasok ng nagdedeliber ang mga kahon ng sariwang
empanada, isa-isa yaong binuklat ng weytres, at ang nilalaman ay maingat niyang
binilang. Inayos niyang bunton-bunton sa mga plastic na bandeha. Dinala’t pinatong sa
pasemano ng aluminyum na bintana. At hinugot ang drower sa ilalim ng bintana, upang
ilabas ang librito ng mga resibong puti at rosas at pirasong carbon paper at bolpen na
matagal nang nawawala ang takip (at bunga ng kaniyang pagiging burara).
Noong umagang iyon – bago dumating sina Bototoy at Nining – ang nalalabing
mga resibong puti sa librito’y naubos. Muling hinugot ng weytres ang drower sa ilalim ng
bintana – sa sulok kasi niyon ay may nakasalansang mga buong librito. Nang humila siya
ng librito, dalawang empanada ang nasagi ng kaniyang kamay. Nangakabalot pa ng wax
paper, ngunit papanis na – noong nakaraang linggo’y nahulog sa drower at natulak sa
loob (na bunga rin ng kaniyang pagiging burara).
Nakaramdam ng inis ang weytres. Naalala niya ang masasakit na salitang bitiw ng
may-ari ng kainan, at ang paghihinala nitong nangupit siya ng empanada. Nakaramdam
din siya ng itim na gala – galak ng paghihiganti, at galak ng pagwawagi.
Napaisip ang weytres. Hawak-hawak niya ang mga empanada sa kaniyang mga
kamay: parang dalawang shoulder pads ng blusang dapat niyang tubusin sa mananahi
mamayang gabi. Parang dalawang malalaking kwei, mga pulang kahoy na pinahagis
sa kaniya sa templong Tsino, minsang samahan siya ng kaibigan upang magpahula ng
magandang hanapbuhay.
Nang sandaling iyon ay may kumatok sa aluminyum na bintana, at pagsungaw ng
weytres ay may dalawang maliit na batang naroroon, nakatingala sa kaniya, mabibilog at
masisigla ang mga mata, mabibilog din ang mga pisngi, nakangiti, at may mga ngipingkuneho.
“Pabili po ng dalawa’ empanada,” bati ng batang lalaki.
At bilang kaganapan ng itim niyang galak ay kinuha ng weytres ang beinte-unong
abot-abot ng bata, at iyon ay lihim niyang binulsa, iniabot naman niya ang dalawang
lumang empanada.
“’Upo tayo, Nining,” ngiti ni Bototoy, dala-dala ang kanilang kakanin. Upang di
marumhan ang damit ng kapatid ay pinagpagan niya ng alikabok ang isang bahagi ng
sementadong island. Naupo silang magkasiping, nagngingitian, naghahagikgikan at
nanggigigil sa tuwa.
“Dito ‘ko nagtatrabaho,” pagmamalaki ni Bototoy, at pinagmasdan ni Nining nang
buong pagmamangha ang kanilang kapaligiran.
Maingat nilang binuklat ang wax paper, at masayang tiningna ang mga
empanada, at masaya yaong sinubo, at kinain nang marahan upang namnamin ang lasa’t
di nila agad maubos.
“Kaka’nin mo’ balat, Nining, kasi malutong,” bilin ni Bototoy,
“Masarap, Kuya.”
“Masarap.”
Sa Katipunan, patuloy na nagdaan ang mga sasakyan, mabilis at mabagal

Pandesal

“Tinapay na may asin” ang literal na ibig sabihin ng Espanyol na pan de sal. Ang sangkurot na asin (sal sa Espanyol) marahil ang ikinatangi nito upang maging paboritong
panghalili sa almusal ng isang bansang higit na nasanay kumain ng kanin.
Maliwanag na isang pamana ng kolonyalismong Espanyol ang pandesal. Ni hindi
nagtatanim ng trigo ang mga Filipino nang dumating ang mga Espanyol noong ika-16
dantaon. Subalit kailangang ipag-utos ang pagmasa ng galapong na trigo para gawing
tinapay dahil ito ang nakamihasnang pagkain ng mga mananakop. Bukod pa, gawa mula
sa pinakapinong arina ang ostiyang Kristiyano.
Bukod sa pandesal, nahilig ang mga Filipino sa ibang tinapay bilang meryenda at
siyempre pa’y naging kakompetensiya ng katutubong kakanin at puto. Naging popular
ang ibang tinapay kaugnay ng mga pistang panrelihiyon. Halimbawa, ipinasok ng mga
Espanyol ang pagkain ng tinapay tuwing Setyembre 10 sa mga parokyang patron si San
Nicolas Tolentino, isang ermitanyong Italyano at kasapi ng ordeng Agustino. Karaniwang
inilalarawan siyang nakadamit ng itim at may hawak na liryo. Kung minsan, may hawak
siyang bulsikot o piraso ng tinapay na sumasagisag sa kaniyang patuloy na pagtulong sa
mga maralita hanggang mamatay siya noong 1306.
Sa Filipinas, itinuturing na patron ng mga panadero si San Nicholas. Sa kaniyang
pista binabasbasan ang pan de san nicolas, isang uri ng panecito, na pinaniniwalaang
nakapagpapagaling ng karamdaman.
Mga Tsinong bihasa mula pa noong panahon ng dinastiyang Sung sa paggawa ng
pinasingawan at hinurnong tinapay ang unang nangasiwa sa mga hurnong Espanyol sa
Intramuros. Hindi kataka-takang mga Tsino ang unang sumikat na may-ari ng panaderya
sa Maynila at sa mga poblasyon sa probinsiya.
Isa namang paborito tuwing Pasko ng Pagkabuhay, Todos los Santos, at Pasko ang
matamis at mamantekilyang ensaymada. Winisikan lamang ng puting asukal ang
tradisyonal na ensaymada. Nadagdag ang kinudkod na keso, karaniwang Eden, nitong
Peacetime sa Maynila. Bago magkadigma sinasabing ipinasok ang pagpapalamuti ng itlog
na pula at kesong puti sa ensaymada ng Malolos, Bulacan.
Samantala, bukod sa tradisyonal na galyetas at biskuwit, napuno ang estante ng
panaderya sa iba’t ibang tinapay na may sari-saring palaman at pampalasa. Maituturing
na Filipino ang mga tinapay na may lahok na niyog at saging. Hindi rin nanatili sa almusal
kasama ng kape ang pandesal. Ibinabaon itong sandwits, gaya ng naging turing sa
mahigpit nitong kalaban—ang pan amerikano, isang mahaba, malambot, at tinitilad na
tinapay, na naging popular nitong panahon ng Amerikano.
PANDESAL
Naging pamantayan din ang pandesal ng ekonomyang pambansa. Itinuring ang
patuloy nitong pagliit bilang patunay na tumataas ang presyo ng inaangkat na arina, at
samakatwid, na humihina ang halaga ng piso. Naging pagkakataon naman ito sa naging
malakas na benta nitong dekada 70 ng hot pandesal—na maliit nga ngunit dahil sa
bagong teknolohiya’y napananatiling laging mainit.

Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan ni Conrado de Quiros

Hanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit kinakausap natin ang ating mga
aso sa wikang Ingles. Wala kang naririnig na nagsasabing, “Upo, Bantay, upo,” o “Habol,
Kidlat, habol.” Ang maririnig mo ay “Sit, Rover, sit,” o “Fetch, Fido, fetch.” O kung poodle,
Fifi. Kung sa bagay tayo mang mga taong Filipino ay may mga pangalang Rover, Fido, at
Fifi, kaya hindi nakapagtatakang pangalanan din natin ang ating mga aso ng ganoon.
Ang nakapagtataka ay kung bakit kinakausap natin sila sa Ingles. Ibig sabihin, kakaiba ba
ang korte ng kanilang mga utak at natural silang sumusunod sa mga utos sa Ingles? Ang
tinig ba ng Ingles ay hawig sa mga tunog na ginagawang silent dog whistle?
Ipauubaya ko sa mga dalubhasa sa sikolohiya ng hayop ang pagpapaliwanag nito. Pero
may punto rito. At ang punto ay ito: marami at sari-sari ang gamit ng wika; hindi lamang
bilang isang paraan ng komunikasyon ng dalawang tao. Sa tingin ko, lubos na simplistiko
ang paniniwalang ang wika ay isa lamang kasangkapan sa komunikasyon. Sa tingin ko,
lubos na simplistiko ang paniniwalang ang tanging papel na ginagampanan ng wika sa
lipunan ay ang pagbibigay-daan sa palitan ng mga idea ng mga tao sa lipunang iyon.
Totoong ang isang wika ay isa ring paraan o kasangkapan sa komunikasyon. At bagama’t
isang bahagi lamang ito ng kabuuan ng wika ay malaking bahagi ito. Sa bagay na ito,
malaki ang halaga ng Ingles bilang isang paraan ng komunikasyon. May punto ang mga
nagsasabi sa atin na hindi natin maaaring kaligtaan ang Ingles. Talaga namang hindi.
Ang Ingles ay ang ating susi–o sabi nga ng mga bata, ang ating “connect”–sa mundo.
Ito ang ating susi sa pandaigdigang impormsyon. Lalong-lalo na sa panahong ito na
masasaksihan natin ang isang “information explosion” na likha ng computers. Malamang
ay narinig na ninyo ang Internet, ang pandaigdigang electronic board para sa lahat ng uri
ng impormasyon. Sa pamamagitan ng Internet ay maaari nating ma-access pati na ang
US Library of Congress at mag-research doon. Maaari din tayong makapanood ng sine o
retratong bomba. Walang MTRCB sa Internet.
Pero kailangan pa rin ang Ingles para mapakinabangan ang mga biyayang ito. Bagama’t
ang computer programs ay nagiging mas graphic na kaysa word-based—gumagamit
ng icons kaysa salita—kailangan pa ring magbasa kahit katiting. At ang iskrip ay sa
Ingles. Bukas ang information highway sa anumang uri ng sasakyan, kahit kariton,
pero nakasulat sa Ingles ang mga signs sa kalye. Pag hindi tayo marunong mag-Ingles,
mawawala tayo sa kalye. At talaga namang pagkalalawak ng mga kalye rito.
Pero huwag nang isipin ang Internet; isipin na lang ang simpleng paglalakbay. Kailangan
pa rin ang Ingles—maliban na lang kung sa Filipinas ka lang maglalakbay. At kung
tutuusin, hindi bale na rin ang mundo—o ang pisikal na paglalakbay sa mundo namagagawa sa pagbabasa, panonood ng sine, pakikinig ng balita. Kailangan pa rin ang
Ingles—liban na lang kung ang papanoorin lang ay mga sine ni Silvester Stallone.
Walang duda na kailangan natin ng Ingles. Walang duda na mahalaga ang Ingles. Subalit,
dito man ay marami nang mga maling akala tungkol sa kahalagahan ng Ingles. Isa sa
mga maling akalang ito ay ang paniniwalang ang Ingles ay ang susi sa kaunlarang pangekonomiya.
Ito ang paboritong argumento ng mga nagtataguyod ng Philippines 2000.
Pinabubulaanan ito ng Thailand. Mahirap kumilos sa Bangkok hindi lamang dahil sa
ang sulat dito ay sulat-bulate, ayon nga sa isang kaibigan, kundi dahil iilan lamang ang
marunong mag-Ingles. Iba pa kung paano nila bigkasin ang Ingles, na talaga namang
papawisan ka ng dugo bago mo maintindihan. Kahit na hotel clerks ay hindi makapag-
Ingles ng diretso. Ang pinakamadaling paraan para makapagtalastasan sa taxi driver at
tindero ay sign language.
Pero gayumpaman, ang Thailand ay isang tigre, samantalang tayo, na
ipinangangalandakan ang ating Ingles, ay isang basang-sisiw lamang. Ayon kay Peter
Limqueco, isang kaibigan na nag-eedit ng isang diyaryo sa Bangkok, pumapangalawa
lamang ang Thailand sa Japan sa computer technology sa Southeast at South Asia.
Makikita ang ebidensiya ng kaunlaran sa Bangkok—sa mga gusali, sa mga skyway, sa
mga pagawaan. Ang kaunlaran dito, ayon kay Peter, ay hindi sinusukat sa taon kundi sa
buwan. Mawala ka lang ng ilang buwan at nagbago na ang hitsura ng lugar.
Bale ba, bagama’t hindi marunong mag-Ingles ang mga Thai ay higit na malaki ang
kanilang turismo kaysa atin. Ihambing mo ang turismo nila at turismo natin at parang
pinaghahambing mo ang daga at elepante. Ang bilang ng mga turistang pumapasok sa
atin sa isang taon ay ang bilang ng turistang pumapasok sa Thailand sa isang buwan.
Malinaw na ang mga tao ay bumibisita sa ibang bansa hindi dahil sa kaalaman ng mga
mamamayan doon ng Ingles.
Subalit hindi pa ito ang problema sa Ingles. Sapagkat gaya ng nasabi ko kanina, hindi
lamang isang paraan ng komunikasyon ang wika. Lalong-lalo na ang Ingles. Lalong-lalo
na sa bansang ito. Ang Ingles ay hindi lamang isang paraan para makapag-usap; ito ay isa
ring paraan para makapaghari. Hindi lamang ito isang susi sa impormasyon; isang susi ito
sa kapangyarihan. Ang Ingles ay kapangyarihan sa isang paraan na higit pa sa karaniwang
kahulugan na kapag matatas kang magsalita ay may kapangyarihan ka sa kaligiran mo.
Kapangyarihan ang Ingles sa isang payak o literal na paraan. Marunong kang mag-
Ingles, makararating ka sa itaas. Hindi ka marunong mag-Ingles, mauuwi ka sa pagiging
kargador. Sa bansang ito, hindi lamang salita ang Ingles kundi orasyon, na pinanghahawakan
ng isang kaparian. Ano man ang sabihin mo, matino man o hindi, kapag sinabi mo
sa Ingles ay nagkakaroon ng bigat, o halaga. Ang “marunong mag-Ingles” ay hindi
lamang palatandaan ng kagalingan sa lengguwahe. Palatandaan ito ng kaalaman, ng
pagkakaroon ng “class,” ng pagkakaiba sa karaniwang mamamayan. Kapag sinabi mo ang
isang bagay sa Ingles ay tila pinag-isipan mo ito ng malalim.
Siguro ito ang dahilan kung bakit kinakausap natin ang ating mga aso sa Ingles. Siguro,
akala natin, kapag nag-Ingles ka, aso man ay seseryosohin ka.
Sa mula’t mula pa ay nasapol na ng mga Kastila ang katotohanang ang wika ay
kapangyarihan, at sinikap nilang pakinabangan ang kapangyarihang ito sa pamamagitan
ng pagkakait sa mga Indio ng salitang Espanyol. Kung sa bagay, sa umpisa ay hindi ito
tuluyang sinadya. Nakita ng mga misyonerong kagaya ni Pedro Chirino na mas madaling
pag-aralan ang mga salitang indio kaysa turuan sila ng Espanyol. Mas madaling turuan
ang mga Indio ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng kanilang mga wika kaysa Espanyol.
Makikita rin ang mga bagay na ito nina Mike Velarde at iba pang mga matagumpay na
“misyonero” sa kasalukuyan. Sa bandang huli na lamang sadyang ipinagbawal ng mga
Kastila ang wikang Espanyol sa mga eskuwelahan at iba pang institusyon ng mga Indio.
Ito ay para ipuwera sila sa alta sosyedad at tuloy sa pagpapalakad ng bayan.
Iba ang naging karanasan ng mga bansa sa America Latina. Kaiba sa Filipinas, ang
mga bansang ito ay naging settler colonies, o mga kolonyang tinirahan ng mga taong
galing sa kanluran. Para matirhan ang madaming lugar dito ay pinagpapatay ng mga
settler o kolonyalista ang katutubong populasyong Indio. Isang malinaw na kaso ng
genocide. Umusbong ang isang populasyong creole, na galing sa mga dayong Espanyol at
nagsasalita ng Espanyol.
Naunawaan ng mga Espanyol na ang wika ay kapangyarihan pero nagkamali sila sa
pagsasamantala nito. Ang mga Amerikano ang makakikita ng wastong pagsasamantala
nito. Ito ay hindi ang pagkakait ng wikang kolonyal sa mga Indio kundi ang
pagpapalaganap sa kanila nito. Ang pagkakait ng mga Espanyol ng wikang Espanyol sa
mga Filipino ay hindi nakapagpabait sa mga Indio. Naging rebelde sila. Ang pagtuturo ng
Ingles sa mga Filipino ay hindi nakapagrebelde sa kanila. Naging masunurin sila.
Ito ang totoong problema sa Ingles, ang dahilan kung bakit hindi natin dapat akalaing
ito ay isang purong grasya. Malinaw sa ating kasaysayan na ang Ingles ay hindi lamang
naging paraan ng komunikasyon kundi paraan ng kolonisasyon. Ang Ingles ay hindi
naging paraan para sa pag-uusap ng mga mamamayan. Naging paraan para ito ay sa
paghahati ng mga mamamayan. Ang tanging diyalogo na ginawa nito ay ang diyalogo
sa pamamagitan ng pamahalaang kolonyal at ng lokal na naghaharing-uri. Kasunod sa
kaputian ng balat, ang galing sa paggamit ng Ingles ay naging pasaporte sa sirkulo ng
kapangyarihan.
Nalikha ng mga Amerikano sa pamamagitan ng Ingles ang isang naghaharing-uri na
sumasawsaw sa kanilang kultura. Ang wika ay hindi lamang koleksiyon ng mga salita
at mga paraan sa paggamit nito. Ang wika ay isang buhay na bagay. Tumutubo ang
wika mula sa puso ng isang bayan. Sumususo ang wika sa pambansang kasaysayan at
karanasan. Ang pag-aral ng Ingles ay hindi lamang pagkabisa ng mga salita at paggamit
nito. Ang pag-aral ng Ingles ay pagbabad sa kultura na lumikha nito.
Alam ko. Bilang isang manunulat sa Ingles, alam ko na para ka magkaroon ng kumpiyansa
sa salitang iyon ay kailangan angkinin mo ang kaluluwa noon. Hindi lamang grammar at
syntax ang wika. Ang wika ay kultura at sensibilidad.
Kung tutuusin, ang wika ay hindi laging nagdudulot ng komunikasyon. Kung minsa,
nagdudulot ito ng kawalan ng komunikasyon. Malinaw na malaki ang ambag ng Ingles
sa pangalawa. Higit tayong pinaghiwalay kaysa pinag-isa nito. Makikita ang puwang sa
lipunan sa ating mga sine, ang pinakapopular na uri ng entertainment dito sa atin. Kapag
mayaman ang pamilya ay tiyak na Ingles ang dialogue. Kapag katulong ang karakter ay
mag-tatagalog, lalong-lalo na ang tipong may puntong Batangas o Bulacan. Para maging
class ang dating, ang mga artista mismo ay sumasagot sa Ingles sa mga interview.
Bagama’t sikat siya sa labas, si Melanie ay laging magiging api rito dahil hindi siya
marunong mag-Ingles.
Ano ang dapat gawin? Paano natin pagtutugmain ang pangangailangan natin sa Ingles
sa isang banda at ang pangangailangan natin ng isang wikang magbubuklod sa atin sa
kabila?
Ang sagot ay ang pagpapalakas ng wikang pambansa. Ang wikang iyan ay hindi maaaring
maging Ingles. Iyan ay isang kaso ng, sabi nga sa Ingles, the “tail wagging the dog.” Hindi
maaaring ipagpag ng buntot ang aso. Ang pambansang wika ay maaari lamang maging
Filipino.
Ang maling akala, o fallacy, ay ang paniniwalang kapag gustgo mong palakasin ang
Filipino ay gusto mong pahinain ang Ingles. Hindi totoo iyan. Gusto nating palakasin ang
Filipino, pero gusto rin nating palakasin ang Ingles—bilang pangalawang lengguwahe,
o second language. Ang mahalaga ay ang katagang “pangalawa” or “second.” Hindi
maaaring maging una ang Ingles. Makikita natin sa halimbawa ng Thailand at iba pang mga bansag Asyano na hindi
lamang ito posible kundi kailangan, Ayon sa mga nagtataguyod ng Philippines 2000,
ang mga bansang ito sa kasalukuyan ay puspusang nagpapalaganap ng Ingles: bakit
tayo pupunta sa kabilang direksiyon? Simple. Dahil sa kung ang mga bansang ito ay
kasalukuyang nagpapalaganap ng Ingles, ito ay dahil sa mayroon na silang sarili nilang
wika—Thai, Bahasa, Intsik, Hapon, Koreano. Bagama’t puspusan nilang itinutulak ang
pag-aaral ng Ingles, wala sa mga bansang ito ang magpupumilit na palitan ang sariling
wika ng Ingles.
Kung bumisita ka sa ibang bansang Asyano, o Arab, ang unang maiisip mo ay kung gaano
tayo kaiba sa kanila. Hindi tayo ang rule, tayo ang exception. Ang mga higanteng diyaryo
sa mga bansang ito ay nasa wikang pambansa. Iilan lamang ang nasa Ingles, at ito ay
nakatutok sa mga banyaga. Hindi aksidente na mas marami ang mambabasa ng mga
diyaryong Thai, Arab, Bahasa. Natural na gustong basahin ng mga tao ang naiintindihan
nila.
Maaaring ang mga bansang ito ay puspusang nagtuturo ng Ingles, pero matapos lamang
silang magkaroon ng isang matatag at malusog na wikang pambansa, isang wikang
pinagmulan ng national discourse, o usapang pambansa, isang wikang pinagmumulan
ng kanilang puri at karangalan. Ganito nila nagagamit ang Ingles habang naiiwasan ang
alienating effects nito.
May kaibhan sa paghango at pagpapalit, may kaibhan sa paghiram at sa pagkopya.
“God bless the child that’s got his own,” ayon nga sa isang kanta. Totoo iyan hindi lang
para sa mga indibidwal kundi para rin sa mga bansa. Ang ibang bansa ay mayroong
pinanghahawakan, tayo ay wala. Sila ay humahango at humihiram, tayo ay nagpapalit
at kumokopya. At tingin natin sa sarili natin ay cosmopolitan tayo. Hindi ito pagiging
cosmopolitan, ito ay simpleng pagiging uprooted.
Bakit hindi Filipino Engllish bilang wikang pambansa? At ano naman ang gamit sa atin ng
Ingles na tayo lamang ang nakakaintindi. At kung tutuusin, ano naman ang naging ambag
ng Filipino English—ang mga salitang “aggrupation” at “actuation”? Walang ganyang
mga salita sa Ingles. Ang mga salita doon ay “group” at “action.”
Ang Filipino ba ay mayamang wika? Kaya ba nito ang seryosong diskusyon? Makikita
natin sa mga talk show sa TV—salamat sa pinasimulan ng Public Forum—na ganito na
nga. Sayang lamang at hindi pa ito nagyayari sa diyaryo. Ang Filipino ay lengguwahe
lamang ng mga tabloids at hindi broadsheets.
Kung tutuusin, ano ba naman ang likas na mahusay na wika? Bago dumating si Goethe,
mahusay lamang ang Aleman para sa barbarians. Bago dumating si Pushkin, ang Russian
ay mahusay lamang para sa pag-toast ng vodka. At bago dumating si Shakespeare, ang
Ingles ay mahusay lamang sa isang sakop. Ang husay ng lengguwahe ay nasa mga taong
gumagamit nito.
Ang paborito ko pa ring kuwento rito ay ang isang direktor ng teatro na minsan ay
tinanong ng isang estudyanteng pa-wers-wers: “Talaga bang epektibo ang Filipino sa
teatro?” Sumagot ang direktor, “Putang ina mo.” Namutla ang estudyante at dali-daling
umalis.
“Tingnan n’yo,” sabi ng direktor sa kaniyang crew, “epektibo ang Filipino sa teatro.”

"Taglish: Hanggang Saan? " ni Bienvenido Lumbera

May nagtanong kung ang paggamit ng Taglish sa kolum na ito ay recognition on my part na
tinaggap kong maaaring gawing basis ng wikang “Filipino” and Taglish. Ngayon pa man ay
nililinaw ko nang hindi lengguwahe and Taglish. Ito ay isa lamang convenient vehicle para
maabot sa kasalukuyan ang isang articulate sector ng ating lipunan na unti-unting nagsisikap
gumamit ng Filipino.
Importanteng makita nang sinumang gumagamit ng Taglish na limited and gamit nito. Dahil
sa binubuo ito ng mga salitang galing sa dalawang wikang not of the same family, makitid
ang range of expressiveness nito. Ang sensibiliteng ni-reflect nito ay pag-aari ng isang maliit
na segment ng ating lupinan, at ang karanasang karaniwang nilalaman nito ay may pagkasuperficial.
Isang makatang malimit banggitin kapag pinag-uusapan ang paggamit sa Taglish ay si
Rolando S. Tinio. Sa kaniyang koleksyon ng tulang tinawag na Sitsit sa Kuliglig, may ilang mga
tula na pinaghalong English na sulatin. Effective lamang ang Taglish, gaya ng pinatutunayan
na rin ng mga tula ni Tinio, kapag Americanized intellectual ang speaker, at ang tone ng
tula ay medyo tongue-in-check or sarcastic. At kahit na sa ranks ng Americanized Filipino
intellectual, and profounder aspects of cultural alienation ay hindi kayang lamanin nang
buong-buo ng Taglish.
Better described marahil and Taglish as a “manner of expression.” Ibig sabihin, sa mga
informal occasions, mas natural sa isang English-speaking Filipino na sa Taglish magsalita.
Sa light conversation, halimbawa. Pero para sa mga okasyong nangangailangan ng sustained
thought, Taglish simply won’t do. Walang predictive patterns ang paghahalo ng vocabulary
at syntax ng dalawang lengguwaheng magkaiba ng pamilya. Dahil dito, maraming stylistic
and logical gaps na nag-iinterfere sa pag-uunawaan ng manunulat at mambabasa.
Kailangan sa Taglish ang spontaneaous interaction ng nagsasalita at ng nakikinig. Sa
pamamagitan ng physical gestures, facial expressions, o tonal inflection, nagagawa ang
filling-in na siyang remedyo sa mga stylistic at logical gaps. Maaari namang sa pagtatanong
linawin ng nakikinig ang anumang ambiguity sa sinasabi ng kausap.
Samakatuwid, ang pagsusulat sa Taglish, cannot be a permanent arrangement. Kung
talagang nais ng manunulat na magcommunicate sa nakararaming mambabasa, haharapin
niya ang pagpapahusay sa kaniyang command ng Filipino. Para sa manunulat, isang
transitional “language” lamang ang Taglish. Kung tunay na nirerecognize niya na napakaliit
at lalo pang lumiit ang audience for English writing, hindi siya makapananatiling Taglish
lamang ang kaniyang ginagamit. Maliit pa rin ang audience na nakauunawa sa Taglish pagkat
nagdedemand ito ng adequate control of English. Magbalik sa English. O tuluyang lumapit sa
Filipino. Ito ang alternatives para sa Taglish users ngayon na hangad pa ring magpatuloy sa
pagsusulat

2/25/2013

Sipi mula sa librong Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe: (pahina 140-143)

Sa halip ang sinabi niya, “No, Jojo, you don’t understand. Bata ka pa kasi. Balang
araw, kapag naging magulang ka na, maiintindihan mo rin ang sinasabi ko.” Ayaw ko ng
logic niya, pirming siya ang matanda. Pirming siya ang tama. Pirming ako ang bata, kaya
pirming ako ang mali, at pirming ako lang ang dapat matuto. Pero nakapagtatakang kami
na kulang sa isip ang pirming hinahanapang maging tama. Bakit kaming kulang sa isip
ang kailangang umunawa sa husto raw ang pag-iisip?
Sa pag-iisa, sa aming uri ng insecurity, bakit walang makaalalang magtanong
kung ano ang iniisip namin? Kung sa paghahanap ng solusyon sa problema ay mali
ang makuhang paraan, nagagalit sila. Paano naman ang gagawin namin sa mundo?
Tumigil na lang basta sa paghinga? A, kay hirap mabuhay sa mundo na panay bawal,
wala namang magturo ng tama. Kung sa pagtanda ko’y magiging kamukha ko rin sila,
hindi bale na lang. Ayaw kong tumanda. Bawal maging pilyo. Mas lalong bawal maging
seryoso. (Mag-i-idiot na lang ako.)
Kamukha ngayon, daig ko pa ang napagkaisahan. Nagtatanong lang naman, pero
nakakagalitan. Umiiwas sa kaguluhang hindi naman ako ang may kagagawan. Para na rin
akong daga na tulirong nangangapa sa lungga. Ano ang gagawin ko sa aking sarili? Para
rin akong may sakit na nakakahawa na hindi basta puwedeng lumapit sa kapwa.
Saan ba ako pwedeng magpasiya? ‘Yong kaluluwa ko, kargo ng pari. ‘Yong marka
ko sa eskuwelahan, nakasalalay sa dulo ng pulang ballpen ng titser ko. ‘Yong gusto kong
kurso, nakatali sa dulo ng bulsa ng tatay ko. ‘Yong kalayaan ko, kahit bahagya ko pa lang
nagagamit ay pinutol na nila. Sila na rin ang nagbibigay ng bagong kahulugan noon,
kahit hindi kami kinonsulta. Ano nga ba ang pakialam nila sa kapalaran ng mga hamak
na estudyante. Kapirasong pangalang wala namang katuturan ang naiwan sa amin. Ni
hindi magamit dahil hindi naman galing sa malaking tatak. Pamilyang walang sinabi,
batang walang silbi. Ay naku. Gusto ko lang magtanong, gusto ko lang matuto, kasalanan
na pala iyon at ang ayaw maniwala sa kanila’y nakakaligtaan. Hindi galit ng ama sa
anak o ng Diyos sa tao; galit ng maligno, kahit saan ka magtago, hindi ka makakatakas.
Bugbog –sarado pag nahuli.Torture kapag ayaw umamin, firing squad kapag nakunan ng ebidensiya. Salvage kapag nakagalitgan, salvage rin kapag nakatuwaan. Kung
magrereklamo pati kaluluwa mo, pati ito buburahan ng anino. Saan na ako pupunta, ano
na’ng gagawin ko sa sarili ko?
Magbabad na lang kaya ako sa disco? Sayaw na lang kaya ang problemahin
ko? Pero Iglesia ni Kristo naman ang mga paa ko, hindi marunong kahit na pandanggo.
Tumambay na lang kaya ako sa mga kanto tulad ng ginagawa ng mga propesyonal na taong kanto? Ano naman ang gagawin ko roon, mag-abang sa pamumulaklak ng poste?
Ay naku ulit, pinipilit ko lang maging matino sa sarili kong paraan, wala pang kaubrahan.
Hindi naman siguro ako ginawa ng sino mang gumawa para sa lang maging basta yagit.
Wala rin akong balak maging kontrabida sa buhay. Marami lang talagang tanong ang
isip ko na naghahanap ng kahit na kapirasong sagot. At sa lipunan, bago man o luma,
maraming pikon.
Silang punot’t dulo ng problema ko ngayon, silang namamahala, kung
totoong parang tatay at nanay sila, tulad nina Malakas at Maganda, bakit ibang klase
silang magpatupad ng disiplina? Bakit hindi magkasya sa pangaral? Bakit hindi nila
maintindihan na ang ginagawa lang naman naming mga kabataan ay bilang pagsasanay
sa paghahanda sa aming kinabukasan? Kung dadaanin kami sa bugbog, di lalaki
kaming mga tuliro. Kung kami na ang mga pinuno, paano magpapasiya ang isang hilo?
Akala mo’y hindi sila marunong mamatay. Kung sila nang sila, at kung wala na sila,
paano naman kami? Kung mamana namin ang ugali nila, di kawawa ang susunod na
henerasyon, kami na matanda na ang siya namang mambubugbog sa kanila. Bakit
ayaw nilang matuto kaming makialam, makisangkot? Habang buhay bang tagapalakpak
na lang kami sa mga talumpati nilang hindi naman sila ang gumawa? Dapat bang
maging utak-sakristan lang kami na amen lang ang bokadurang lumalabas sa bibig
kapag kinausap? Saka kung itinuturing kaming parang anak, bakit kami sinisiraan?
Tatatawaging misguided elements, adventurists, communists, terrorists. Basta masama,
kami. Basta tama, sila? Kung ganoon silang klaseng magulang, hindi na lang baleng
maging ulila, ayaw kong sumali sa kanilang pamilya. Hindi baleng mabobo, tulad ng
tingin nila sa aming mga aktibista, huwag lang maging baliw na tulad nila.
Bakit ba ganito, kapag makikinig ka sa usapan ng matatanda parang parating
panahon lang nila ang mahalaga. Mahusay na estudyante, baka noong panahon ni
Quezon. Mahusay na sundalo, baka noong panahon ng Hapon. Walang naaalala kung
hindi “noong araw” (Parang sila ang una at huling Pilipino.) Saka idagdag din kung
gaano kaganda ang kanilang panahon na hindi katulad ngayon, panay kahulugan. Parang
kami ang umimbento ng salitang kahirapan at problema. At kami na bunga nito, na
dapat unawain ang siyang nakagagalitan kapag napag-uusapan ang kamalasan. Sagana noong araw, pero bakit tayo utang ng utang sa mga dayuhan? Saka bakit kami ang
tagabayad nito balang araw? Pakikinig ba sa matatanda sa Ilog Pasig ang solusyon sa
mga problema? Baka kaya sila ay isang malaking problema? Parati silang tama, ang mga
Mam at Sir at mga Gardonet , sila lamang ang tanging nakakaalam sa pagpapatakbo
ng mga bagay-bagay sa mundo. Sila lamang ang may monopoly ng talino. Saka nila
pilit palalakihin ang papel nila sa lipunan. Ipagpipilitan ang kanila, bakit hindi sila ang
pakinggan at pamarisan? Sabagay, lahat naman yata ng matanda ay ganoon, ang kilala lamang ay ang sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong
tungkol sa sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong tungkol
sa sarili. Kung doktor ang kausap, sasabihin nitong iyon ang pinakamahusay na kurso
ngayon. Ganoon din ang sasabihin kung mga titser o inhinyero ang tatanungin. Pero
paano kaya makikinig kung ang kausap ay isang pulitiko o armado? E, kung armadong
pulitiko? Di pangako ng baril, argumento ng bala, halakhak ng kanyon, ano pa? Lahat
yata ng matanda, sarili lamang ang nakikitang mainam. ‘Yon lang kasing karansan nila
ang kabisadong ikuwento. Pag iba na ang usapan, tulad ng halimbawa ng buntonghininga
ng mga katulad ko sa mundo, hindi na sila interesado. Parang kami ang nag-uso
ng salitang rebolusyon. Pag narinig ito, tumataas ang lahat ng buhok nila, pati sa kilikili,
kaya bumabaho tuloy ang usapan. Saka magtatatalak, kami ang makakagalitan. Luma na
‘yon, tanungin mo si Bonifacio. Kung ayaw mong maniwala, e bakit nakikiselebrasyon ka
sa araw ng mga bayani? Saka ba’t mo siya tinitingnan sa mga pera?
Ayaw ko nang makinig sa mga usapang “noong araw” na hindi ko makita
ang kabuluhan sa kasalukuyan. Ayaw kong maging ulyaning paulit-ulit ang sinasabi.
Ayaw kong maging (mas) makulit. Ayaw kong maging inutil. Kay hirap ng maraming
tanong sa buhay. Kay hirap ipanganak na “erehe” at “pilibustero” sa mundo. Kay hirap
mapagsabihang bandido at terorista. Kay hirap maghanap ng kahulugan ng pangalan.
Wala akong balak malagay sa pera ang retrato ko. Gusto ko lang may sumagot at makinig
sa tanong ko.

2/19/2013

Braces ni Pol Medina, Jr.

Pimple ni Pol Medina, Jr.