Search

About Us

We're from the Regional Science High School- IX. And also, we're teenage girls.

2/28/2013

A. Akdang Pampanitikan

-Unang Markahan

  • Batang-bata ka pa
  • Ang sundalong patpat
  • Isang dosenang klase ng highschool student
  • Sandaang damit
  • Kung bakit umuulan
  • Alamat ni Tungkung Langit
  • Salamin
  • Ang pintor
  • Impeng Negro
  • Ang ambahan ni Ambo
- Ikalawang Markahan
  • Nemo, ang batang papel
  • Mabangis na lungsod
  • Ang alamat ni Daragang Magayon
  • Kay Mariang Makiling
  • Ang mga duwende
  • Trese Isyu 5
  • Mga kakaibang nilalang sa Filipinas
  • Alamat ng Waling-Waling
  • Mga alamat ni Jose Rizal
  • Napagawi ako sa mababang paaralan
  • Paglisan sa Tsina
- Ikatlong Markahan
  • Pimple
  • Braces
  • Gwapigs
  • Sipi mula sa librong 'Tutubi, tutubi, 'wag kang magpapahuli sa mamang salbahe
  • Taglish: Hanggang saan?
  • Ang kapangyarihan ng wika, ang wika ng kapangyarihan
  • Pandesal
  • Pork Emapanada
- Ikaapat na Markahan
  • Hari ng Tondo
  • Upuan
  • Sipi mula sa “Ampalaya (Ang Pilipinas 50 Taon Makatapos ng Bagong Milenyo)"
  • Nagsimula sa panahon ng yelo
  • Bagong bayani
  • Bayan ko: Laban o bawi?
  • Pulangi: Ang Ilog na Humubog sa Maraming Henerasyon

B. Output

"Brochure-FINAL" ni Khadija Sarael (3rd Quarter)


"Brochure-DRAFT" ni Khadija Sarael (3rd Quarter)


"Mga kilala sa Zamboanga" ni Khadija Sarael (3rd Quarter)


"Pagdrawing kay Bototoy" ni Khadija Sarael (3rd Quarter)


"Konsepto sa kalayaan" ni Khadija Sarael (3rd Quarter)


"Tula tungkol sa iyong dating paaralan" ni Khadija Sarael (2nd Quarter)


"Pagdrawing ng isang bahagi ng paaralan" ni Khadija Sarael (2nd Quarter)


"Sariling alamat ng iyong lugar" ni Khadija Sarael (2nd Quarter)


"Kwentong kababalaghan" ni Khadija Sarael (2nd Quarter)


"Importanteng bagay (pakunwaring ikaw)" ni Khadija Sarael (2nd Quarter)


"Paboritong bahagi ng kwento (Nemo...)" ni Khadija Sarael (2nd Quarter)


"Pagdrawing kay Nemo" ni Khadija Sarael (2nd Quarter)


"Bookmark" ni Khadija Sarael (1st Quarter)


"Simbolo ng pag-aaral" ni Khadija Sarael (1st Quarter)


"Kakaibang larawan" ni Khadija Sarael (1st Quarter)


"Ang mga pagbabago ko noon at ngayon" ni Khadija Sarael (1st Quarter)


"Kababalaghang Kwento" ni Indira Salih

Madaling araw, naglalakad ang dalawang mag-ina. Alas 2 ng madaling araw, naisipan na nilang mag-igib na. Sa layo ng iigiban nila, kailangan nilang magsakripisyo para may maipon silang tubig. Pag labas nila sa bahay, nauna yung nanay na buntis, habang sinasara ang gate. Paglabas nung bata, may narinig siyang bumagsak na sobrang laking puno. Kumalabog talaga siya na parang nagiba ang lupa. Paglingon ng bata, wala naman siyang nakitang bumagsak. Tumuloy na silang mag-igib hanggang sa pagdating nila sa bahay. Kinabukasan, ang nanay niya ay nakunan. Dahil sa mga kababalaghan na naramdaman ng bata, ibig sabihin pala nun ay nakunan ang kanyang nanay. Kaya ang anak niya, habang tumatanda, laging nakakaranas ng mga kababalaghan. At ito'y di natapos hanggang ngayon.

"Laptop" by Indira Salih

Ako ay isang mahalagang bagay para sa aking amo. Kaya nandito ako lagi para sa kanya. ang kanyang pangalan ay si Ira. Lagi ko siyang tinutulungan sa kanyang mga Takdang-Aralin. Pagdating niya bahay, lagi niya akong binubuksan para lang gawin ang mga ito. Pero, Hinde lang yun ang aking silbi. Ginagamit niya rin ako para makipag-usap sa kanyang mga kaibigan sa "Facebook" at iba  pang mga Social Networking Sites. Nakikipagchat rin siya sa kanyang mga kamag-anak na nasa ibang bansa gamit ako. Kahit malayo man ang kanyang mahal sa buhay, nakakausap parin ni Ira sila. Kapag wala namang klase, ginagamit niya naman ako para maglaro ng mga Games, at mag blog. Pero minsan, pag sumobra na ang kanyang paggagamit sakin, lalo na siyang pinapagalitan ng nanay niya. Minsan, napapagod rin ako dahil sa kanyang paggagamit. Pero, okay lang yun. Hinde man marami ang silbi ko pero, nakakatulong ito ng higit sa kanya. Kasi, kung wala ako, mahihirapan siya. :)

PAGLISAN SA TSINA ni Maningning Miclat


(1) Isinulat ko ang una kong tula “Isn’t It?” noong high school. Labing-isang taong gulang
ako noon. Nakakatuwa iyon, ang saya ko. Nakasulat sa malayang taludturan, nakilala ko
na mayroon pala akong indayog. Nang mabasa ng mga kaibigan ko, sinabi nila na walang
katuturang tula daw iyon at tinawag ko nga na tula ng kawalang katuturan.
(2) Katawa-tawa ang panahong kinalakhan ng henerasyon ko sa Tsina. Hindi
naapektuhan ng Rebolusyong Pangkultura ang tadhana namin. Wala noong
consumerismo na tutukso sa aming mga hangarin, ni hahamon na paninindigan namin
sa Sosyalismo. Dapat kaming maging Spartan. Dapat makakuha kami ng mataas na grade
para makapasok sa magandang eskuwela.
(3) Alam naming lahat na ang mga senior student sa eskuwela namin na nakatira sa
dorm ay lumalabas sa kalsada kapag oras nang patayin ang mga ilaw para makapagaral sa ilalim ng poste. Marami kang hahangaan doon. May isa akong kaklase na
makapagrerecite nang paabante at paatras sa buong nobelang Water Margin. Marunong
magkaligrapiya at magpiano ang isa kong pinakamatalik na kaibigan sa klase, kaya
kung maglalakad siya at maramdamang hindi tama ang lakad niya, babalik siya sa
pinanggalingan sa paniniwalang “practice makes perfect”.
(4) Pagkatapos ng klase, magkasama kaming maglalakad papuntang bus stop; at ang
tagal-tagal naming makarating sa bus. Paulit-ulit naming iwinawasiwas pataas ang aming
kanang kamay dahil baka mahulog ang iniimagine naming relo. Noon nadevelop ang
ilang kakatwang manerismong dala ko pa hanggang ngayon. Ang maganda nito, hindi
ako ngayon nahihirapan sa ginagawang rebisyon ng mga sulat dahil sa munting ehersisyo
ng pagpapabalik-balik-lakad na ginagawa ko noon sa Beijing.
(5) Marami akong isinusulat at binabasa habang nagkaklase – sa ilalim ng desk. Pag-uwi,
sumasakay ako sa swing sa laguwerta namin. Ganoon ko pinananatili ang nararamdamang indayog para sa aking malayang taludturan. Noon ako nag-umpisang mangarap
na maging makata at pintor balang araw.
(6) Nang matapos sa junior high school, na halos kasunod ng EDSA Revolution sa Filipinas, bumalik na kaming mag-anak sa eskuwela. Hanggang kunin ako ng ICM sisters ng St.
Theresa’s College. Nailathala naman ako sa student page ng World News, pahayagang
broadsheet ng komunidad Tsino sa Filipinas. Pagkatapos, nagtrabaho ako bilang isa sa
mga translator ng balita sa diyaryong iyon, nag-atubili, at huminto. Pero nalatha pa rin
ako; nagkaroon ng promoter ng mga trabaho o sa literary page, sa katauhan ng isang
makata-photographer-businessman, si G. James Na.

(7) Nag-umpisa akong dumalo sa workshop ng tula sa Filipino, na ginaganap sa Adarna
House, tagapaglathala ng mga aklat pambata. Pagkatapos sa Rio Alma Poetry Clinic,
natanggap akong kasapi ng LIRA, isang grupo ng mga kabataang makata sa Filipino.
Ako ang pinakabata noon. Iniindex ko pa ang mga salita noon sa diksyunaryong Tagalog
para makapagtugma, dahil wala naman akong makitang rhyming dictionary sa Filipino.
Kadalasan ay nagsusukat ako ng pantig para mabawasan ang mga mali ko sa wika.
(8) Nang panahong iyon, nagsusulat pa ako sa Tsino habang nag-aaral ng Filipino. Samantala, binabasa ko sa pagitan ng mga linya ang mga liham na natatanggap ko mula Tsina.
(9) Katagalan, matagal na matagal, pagkatapos ng crackdown sa Tian An Men, ipinadala
sa akin ng kaklase ko sa high school ang librong Tuanang Singsing na Luntian na inilathala
ng Palimbagan ng Beijing. Kalipunan iyon ng mga sanaysay na isinulat ng mga freshman
ng Unibersidad ng Peking noong magtraining military sila sa Kampo Shijachuang bago
pasimulan ang kanilang regular na klase sa kampus.
(10) Isinulat sa akin ng kaibigan kong may artikulo sa libro: “Ipinakikita ng librong ito, sa
napakatanging punto de bista, ang buhay namin noong mismong taong iyon, at mararanansan mo dito ang pagsasama ng paglikhang pampanitikan at propagandang
pampolitika, lalo na sa military.”
(11) Naniniwala ako na nalampasan nang maluwalhati ng lahat ng kaibigan ko sa Tsina
ang 1989. Freshman ako sa kolehiyo sa UP Baguio nang maganap ang crackdown.
Huminto ako ng pagpapalathala sa World News matapos makitunggali sa isang huling
sanaysay at ilang tula sa Tsino. Pagkatapos, ipinasiya kong hindi na ako taga-Tsina, hindi
ko na wika ang Tsino.
(12) Doon natapos ang isang panahon.

NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN ni Lamberto E. Antonio


Napagawi ako sa mababang paaralan
Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,
At dating kubeta ng ilang kababaryo
Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.
Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal
Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng
Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners
Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.
Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;
May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t
Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na
“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng
“Alay nina Don at Dona Pilipito Palapatok.”
Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo
At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila
Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y
Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng
Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi
Sa salawal sa pagkuha ng test –
Kundi may DR. o ENGR., may ATTY.
Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –
Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,
Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.
Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering
Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y
Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;
Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.
Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,
Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang
Nagpautang sa akin noon ng musmos na karansan;
Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:
Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon
Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t
Maulila sa mga magulang). Gumawi ako
Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,
Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,
Kahit papa’no, ang aking pangalan.

MGA ALAMAT NI JOSE RIZAL- Kabanata 3, El Filibusterismo ni Jose Rizal


Pumapasok na nga noon sa lawa ang bapor at tunay na napakaringal ang tanawing
tumambad sa kanilang paningin. Humanga ang lahat. Sa harap, nakalatag ang kaakitakit na lawa, naliligid ng luntiang pampangin at asul na bundok, kahawig ng isang
napakalaking salamin na may kuwadrong esmeralda at sapiro upang masalaminan ng
langit. Sa kanan, nakalatag ang mahabang pampangin, lumilikha ng mga look na may
kaaya-ayang kurba. At doon sa malayo, may kalabuan ang kawit ng Sugnay. Sa dakong
likuran ng harap, maharlikang nakatindig ang Makiling, mahirap limutin, napuputungan ng maninipis na ulap. At sa kaliwa, ang pulo ng Talim, ang Susong Dalaga na may
malalambot na kunday at nagpapatunay sa pangalan nito.
Isang sariwang simoy ang buong tamis na kumulot sa malawak na mukha ng lawa.
“Siya nga pala, Kapitan,” ani Ben Zayb na lumingon, “alam ba ninyo kung sang
dako ng lawa namatay ang isang nagngangalang Guevarra, Navarra o Ibarra?”
Tumingin ang lahat sa Kapitan maliban kay Simoun na bumaling sa ibang dako
upang hanapin ang kung ano sa pampangin.
“Oo nga!” ani Donya Victorina. “Saan Kapitan? May Naiwan bang palatandaan sa
tubig?”
Ilang ulit kumindat ang butihing ginoo, bilang patunay ng kaniyang pagkaligalig .
Ngunit nang makita niya ang samo sa mga mata ng lahat, lumapit nang ilang hakbang
sa dulo ng bapor at sinuri ang pampangin.
“Tumingin kayo doon,” aniya sa tinig na halos hindi marinig pagkatapos matiyak
na walang ibang tao sa malapit. “Sang-ayon sa kabo na namahala sa pagtugis, nang
makita ni Ibarra na mapipikot siya, tumalon siya mula sa bangka doon sa malapit sa
kinabutasan at, sumisid nang sumisid sa gitna ng dalawang tubig, tinawid ang distansiyang mahigit dalawang milya, at sinasalubong ng punglo tuwing lilitaw ang ulo upang
huminga. Sa banda pa roon siya nawala sa kanilang paningin at sa malayo-layo pa,
malapit sa pampang may nakita silang tila kulay dugo…At iyon na nga! Labintatlong
taon na ngayon, walang labis walang kulang nang maganap ito.”
“Samakatwid, ang kaniyang bangkay?…” Tanong ni Ben Zayb
“Ay kapiling na ng bangkay ng kaniyang ama,” tugon ni Padre Sibyla. Hindi ba’t isa
rin itong filibustero, Padre Salvi?”

“Napakamurang mga libing, hindi po ba, Padre Camorra?” tanong ni Ben Zayb.
Lagi kong sinasabi na isang filibustero ang ayaw magbayad para sa mariringal na
libing,” sagot ng tinukoy habang tumatawa nang buong saya.
“Pero, ano ang nangyayari sa inyo, Senyor Simoun?” Tanong ni Ben Zayb, nang
mapansing walang tinag at buong lalim na nagninilay ang alahero.
“Nahihilo ba kayo, kayo na isang biyahero! At sa sampatak na tubig tulad nito?”
“Ang masasabi ko sa inyo,” wika ng Kapitan na tinubuan na ng pagmamahal sa pook
na iyon. “Huwag ninyo itong tawaging sampatak na tubig. Higit na malaki ito kaysa alinmang lawa sa Suiza at malaki pa kahit pagsamahin ang lahat ng lawa sa Espanya. Marami
na akong nakitang matandang marino na nalula dito.”

Pp 21-23 Kabanata 3 ng El Filibusterismo, Mga Alamat

ALAMAT NG WALING-WALING


Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao,
may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa
kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang
kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang
Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan.
Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang
pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah.
Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon.
Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni BalLido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya,
dumaan muna siya sa isang pagsubok.
“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang
isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di
nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang
puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulat
na lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa
kaniyang katawan.
“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata
pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon
siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka
makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng
sundang sa akin.”
Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig.
Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng
kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye
pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa
lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay
paparating.”
Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa
pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung
gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang
mga salita pagdating sa pag-ibig.\Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang
kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya.
Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit,
dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak, itinago niya ito sa gitna ng
gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga
mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang
sabihin ng kaniyang Rajah.
Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga
ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat
dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita
niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y
sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak.
Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis
ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay
parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim,
at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa
dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit,
nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.
Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang
tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni
Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang
noon pa lamang niya nakita.
Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka
lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong
gawin ng Rajah sa kaniyang ama.
Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya.
Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang
tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya
ang isang nagngingitngit na Rajah.
“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak?
Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa
mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”

Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa
kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa
kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais
ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa
aking harem at siya ang gagawin kong asa…”
Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa
man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda.
Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit
nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng
puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa
ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga
talulot.
Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman
at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng
bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo.
Isang pag-alaala sa mga pag-ibig na sana’y maabot na niya.

Pp 49-53 The Legend of the Waling-Waling ni Gaudencio V. Aquino

Mga Kakaibang Nilalang sa Filipinas


Diwata o Engkanto – nilalang na nagbabantay sa kalikasan at karaniwang may katawan ng
tao. Sinasabing nang-aakit sila ng mga binata at dalaga upang gawin nilang asawa.
Sirena at Siyokoy – mga nilalang na may katawan ng tao at buntot ng isda. Nakatira sila sa
ilalim ng karagatan at nang-aakit sila ng mga mangingisda.
Tiyanak o Impakto – sanggol na hindi nabinyagan at kumakain ng laman ng tao. Nagpapanggap silang inabandonang sanggol na umiiyak.
Aswang – nilalang na nag-iibang anyo sa gabi at nag-aanyong tao sa umaga. Kumakain sila
ng tao at maaaring mag-anyong hayop.
Manananggal – nilalang na napuputol ang katawan at nagkakaroon ng pakpak. Mula sa
bubong, hinihigop ng kanilang mahabang dila ang mga sanggol ng buntis.
Kapre - higanteng nilalang na mahilig manabako at nakatira sa malalaking puno. Mahilig
itong maglaro sa mga bata.
Tikbalang – kalahating tao at kabayo. Mahilig itong maghanap ng mga dalaga upang gawing
asawa.
Duwende at Nuno sa Punso – mga maliliit na nilalang na nagbibigay ng suwerte o malas sa
tao. Nakatira sa isang nuno o tumbok ng lupa ang nuno sa punso.
Mambabarang at Mangkukulam – mga nilalang na karaniwang matatandang babae na nagpapahirap sa isang tao. Ang mambabarang ay nagpapalabas ng mga insekto sa katawan ng
isang tao. Ang mangkukulam naman ay sinasaktan o binabago ang anyo ng isang tao.

[Pinagkunan: Philippine Myths and Legends ni Johnny C. Young] 

TRESE


Pahina 1.
CAP: “NAG-SHOOT SILA NGAYON NG HULING EKSENA. MINAMADALI NG MGA
PRODUCER PARA SA FILMFEST.”
GUERRERO: WELL, DAHIL DITO SA NANGYARI, TIYAK NA HAHATAW ITO SA TAKILYA.
Pahina 2.
GUERRERO: AT ITO BA ANG DRESSING ROOM NI MS. EVANGELISTA?
TAPIA: OPO, SER.
GUERRERO: (off panel) CHOCNUT? AKALA KO SINABI NG MANAGER NIYA NA
NAGDIDIYETA SIYA NGAYON?
TAPIA: (off panel) OPO, SER.
GUERRERO: (off panel) NAKU.
GUERRERO: TAPIA, PAKI-DOUBLE CHECK NGA SA CREW KUNG MAY NAWAWALANG
BATA. MAY TSISMIS NA KUMALAT NA NANGANAK SIYA NOONG PUMUNTA
SIYANG STATES NOONG NAKARAANG TAON. AT KUNG WALANG
NAWAWALANG BATA, ANG IBIG SABIHIN NITO...
Pahina 3.
TAPIA: IBIG SABIHIN PO TATAWAGAN NINYO SI TRESE?
GUERRERO: BUTI NAMAN AT NASASANAY KA NA SA KUNG PAANO TUMATAKBO ANG
MGA BAGAY DITO, TAPIA.
GUERRERO: (off panel) SIYEMPRE, TATAWAGAN KO SIYA. AT HANGGANG SA
MAKARATING SIYA DITO, SIGURUHIN MONG WALANG MAKAKAPASOK SA
LUGAR NA ITO, KAHIT NA ANG SOCO.
GUERRERO: HELLO, ALEXANDRA, PUWEDE KA BANG PUMUNTA DITO SA... A,
PASENSIYA NA. BUSY KA BA?
TRESE: CAPT. GUERRERO. TATAWAGAN PA LANG DAPAT KITA. NALAMAN NA
NAMIN KUNG SINO’NG HEAD NG KIDNAPPING RING SA ONGPIN.
Pahina 4.
TRESE: TATAWAG AKO ULIT. OO... KAYA NA NAMIN ITO NG KAMBAL.
Pahina 5.
CAP: “ALEXANDRA, KAPAG TAPOS KA NA DIYAN, MAKIPAGKITA KA SA ‘KIN DITO
SA ABC-ZNN, SA STUDIO 4.”
GUERRERO: NANG MAKITA KO ITO, KINUTUBAN AKONG MAYROON DITONG NAGANAP
NA KRIMEN. BAKA MAY NA-KIDNAP NA BATA. O KAYA UNANO. O KAYA...
TRESE: O BAKA KATULAD ITO NUNG KASONG HINAWAKAN NINYO NG TATAY KO
NOONG 1977?

GUERRERO: E... OO. ISA ‘YUN SA MGA BIHIRANG PAGKAKATAONG MAKITA KO SILA
NANG HARAPAN. AKALA KO TALAGA MAS MALIIT ANG MGA DUWENDE.
AKALA KO TIPONG KAYA NILANG TUMAYO SA BALIKAT MO.
TRESE: KAKAIBA ANG PULANG PULBOS NA ITO. DAPAT MAGIGING ABO O
ALIKABOK SILA KAPAG NAMATAY.
TRESE: WALA DITO ANG BAHAY NG DUWENDE... MAY NAKITA BA DITONG
HALAMAN O BULAKLAK NA NASA PASO ANG MGA BATA MO?
Pahina 6.
CAP: “AYON KAY ETHEL DOMINADOR, ANG P.A. NI EVANGELISTA, PARATING
MAY DALANG BONSAI SI HEATHER SA LAHAT NG MGA SHOOTING,
RECORDING, AT TV GUESTING NIYA.
CAP: “NAWAWALA RIN ANG BEST ACTRESS AWARD NIYA.”
GUERRERO: KAKAUSAPIN KO SI NOVA AURORA. ISA SIYA SA MGA HULING NAKAKITA
NANG BUHAY KAY EVANGELISTA. ADIK DIN SIYA SA CHOCNUT. SINOSOLO
NIYA ANG BUONG BAG.
GUERRERO: GUSTO MO BANG SUMAMA?
TRESE: SUSUNOD AKO. MAY DADAANAN LANG MUNA AKO.
CAP: MALAPIT SA KANTO NG BALETE AT 13TH STREET
TRESE: TABI-TABI PO. MAGANDANG GABI PO.
NUNO: KUMUSTA, MUNTING TRESE. NAPADALAW KA YATA? GINAGAMBALA KA
NA NAMAN BA NG MGA BABAENG NAKAPUTI?
Pahina 7.
TRESE: HINDI, HINDI. IBA ITO. NAKITA KO ITO SA KUNG SAAN NAMATAY ANG
ISANG DUWENDE.
CAP: AHHH. PULANG PULBOS. KULAY DUGO. NAGIGING PULANG PULBOS
ANG MGA DUWENDE KAPAG PINASLANG SILA NG ISANG MINAMAHAL O
NAGMAMAHAL SA KANILA. NGUNIT BAKIT NILA GAGAWIN IYON KUNG
MINAMAHAL NGA NILA ANG ISA’T ISA?
TRESE: NAKITA KO RIN ITO.
CAP: MATAMIS. GUSTO NG MGA DUWENDE NG MATATAMIS. ISA ITONG
KABAYARAN, ISANG SUHOL SA DUWENDE UPANG KUMILOS...
NUNO: HINDI KASINTAMIS NG INAASAHAN KO. PUNONG-PUNO NG HINANAKIT.
KALUNGKUTAN. HITIK SA KALUNGKUTAN.
NUNO: KAILANGAN KO NANG LUMISAN. BIGLA KONG INAASAM ANG AKING
KASAMA.
NUNO: KATULAD NG DATI, MAG-INGAT KA SAAN KA MAN MAPADPAD, MUNTING
TRESE.

Pahina 8.
CAP: DASMARINAS VILLAGE. MANSIYON NI NOVA AURORA.
GUERRERO: (off panel) NAKITA NA LANG NG MGA KATULONG NIYANG GANITO.
TRESE: ANONG KINAKANTA NIYA?
GUERRERO: THEME SONG NG PELIKULA NIYANG “ANG HULING HIMALA.”
GUERRERO: SINABI NG MGA KATULONG NIYA, OKEY? HINDI AKO FAN, ANO.
NOVA: WALA NA SIYA. KASALANAN KO.
Pahina 9.
CAP: “DOON LANG AKO SA BAKURAN. KAILANGAN KO ANG BONSAI, ISANG
PLANGGANANG TUBIG, AT ISANG PUTING KANDILA.”
CAP: “ANUMANG MANGYARI, ANUMANG MARINIG MO, ‘WAG KAYONG
MANGIALAM. KASAMA NA DIYAN ANG MGA BATA MO.
L.LUPA 1: ANO ANG
L.LUPA 2: GINAWA MO
L.LUPA 3: SA AMING
L.LUPA 4: AMO?
TRESE: NANDITO AKO PARA IBALIK SIYA.
L.LUPA: SINAKTAN MO SIYA! PARUSAHAN SIYA!
Pahina 10.
KAMBAL J: MUSTA, BOSING? NAAMOY NAMIN ‘YUNG MGA LAMAN-LUPA NUNG
SUMULPOT SILA!
KAMBAL L: SIYEMPRE DI KAMI PAPAYAG NA IKAW LANG ANG MAGSAYA!
Pahina 11.
KAMBAL J: MAY PLANO KA BA, BOSING?
KAMBAL L: OO NGA, DI YATA EPEKTIB ANG “OPLAN BARILIN-HANGGANG-MAUBOS”
TRESE: ITULOY LANG NINYO.
CAP: MABILIS NA NAGKULAY-DUGO ANG TUBIG SA PAGLAGAY NI TRESE NG
PULANG PULBOS AT KATITING NA LUPA MULA SA BONSAI.
CAP: PAGKATAPOS, HINAYAAN NIYANG PUMATAK ANG KANDILA SA
MALADUGONG TUBIG
Pahina 12.
CAP: UNTI-UNTING NAGKAHUGIS ANG MGA PULANG PATAK NG KANDILA.
CAP: UMAHON ITO MULA SA TUBIG, AT NAG-INAT NA PARA BANG BAGONG
GISING.
DUWENDE: TUMIGIL KAYO! NANDITO AKO!

Pahina 13.
TRESE: MAGANDANG GABI. IKAW BA ANG NAG-AALAGA KAY NOVA? O KAY
HEATHER?
DUWENDE: PAREHO. PAREHO KO SILANG ALAGA, NA NAPAKATANGA KONG DESISYON.
CAP: NATAGPUAN KO SI NOVA NOONG TEEN-AGER PA LANG SIYA. PARATI
SIYANG SUMASALI SA MGA SINGING CONTEST AT PARATING NATATALO.
CAP: MAGANDA SIYA. KAYA NAISIP KO SIYANG TULUNGAN.
CAP: NOONG GABING NAGING CHAMPION SIYA, IPINAKILALA KO ANG SARILI
KO AT SINABI KONG AKO ANG TUMULONG SA KANIYANG MANALO.
SINABI KONG GUSTO KO SIYANG AYUSAN. GUSTO KO SIYANG GAWING
ISANG BITUIN.
CAP: TINANGGAP NIYA ANG ALOK KO.
Pahina 14.
DUWENDE: GUSTO KO SANANG IKUWENTO SA IYO ANG LAHAT NG AMING TAGUMPAY
PERO WALA NA TAYONG ORAS, TAMA?
TRESE: PAUMANHIN PO, PERO WALA PO.
CAP: MAKALIPAS ANG DALAWANG ASAWA AT ILANG MGA NOBYO, NAWALA
ANG KANIYANG SIDHI SA PAG-ARTE AT PAGKANTA.
CAP: GUSTO LANG NIYA ANG KASIKATAN AT PERA AT ANG DROGA.
CAP: KAYA TUMIGIL AKO SA PAGTULONG SA KANIYA. KAHIT NA BIGYAN NIYA
AKO NG GABUNDOK NA TSOKOLATE, HINDI AKO KUMILOS.
CAP: TAPOS DUMATING ANG PROYEKTONG ITO. ITONG PELIKULA TUNGKOL SA
BUHAY NIYA. DUMATING SI HEATHER PARA MAKILALA SI NOVA.
Pahina 15.
CAP: PUMUPUNTA SIYA DITO AT PINANONOOD ANG MGA LUMANG PELIKULA
NI NOVA, HANGGANG SA MAKABISADO NA NIYA ANG LAHAT NG LINYA AT
LAHAT NG KANTA.
CAP: HABANG MAS NAG-EENSAYO SIYA, MAS LALO SIYANG NAGIGING
KATULAD NI NOVA.
CAP: MAS LALO DING NAHUHULOG ANG PUSO KO SA KANIYA.
CAP: KAYA NAGPAKITA AKO KAY HEATHER AT SINABI SA KANIYANG AALAGAAN
KO SIYA, PALALAGUIN ANG KARERA NIYA, GAGAWIN SIYANG ISANG
BITUIN.
CAP: TINANGGAP NIYA ANG ALOK KO.
CAP: SINABI KO SA KANIYANG KUHANIN ANG BAHAY KO, NA PARATING NASA
TABI NG KAMA NI NOVA.
CAP: NANG GABING IYON, SINIGURO KONG MAHIMBING ANG TULOG NI NOVA. NANANAGINIP SIYANG NANALO SIYA NG ISANG GANTIMPALANG
HINDI NAMAN NIYA MAKUKUHA.
CAP: KAGABI, PUMUNTA SI NOVA SA SET AT PINAKIUSAPAN AKONG BUMALIK.
CAP: PUWEDE NAMAN AKONG PUMAYAG, NGUNIT GUSTO KO RING TUPARIN
ANG KANIYANG HULING HILING. KAYA SINABI KONG HINDI NA AKO
BABALIK SA KANIYA.
CAP: ALAM KONG KAPAG SINABI KO IYON, MAGAGALIT SIYA KAY HEATHER.
HINDI KO LANG AKALAIN NA MAKUKUHA NIYANG PATAYIN ANG BATA.
CAP: HINDI KO RIN INASAHAN NA PAPATAK ANG ISA SA MGA LUHA NIYA SA
TSOKOLATENG IBINIGAY NIYA SA AKIN. NALASAHAN KO AGAD IYON SA
UNANG KAGAT.
DUWENDE: NALASAHAN KO ANG GALIT NIYA. ANG KALUNGKUTAN. ANG KAWALAN
NG PAG-ASA. AT NAPUNO AKO NITO NANG LUBOS, SAPAT UPANG
MAMATAY.
Pahina 17.
TRESE: SINABI PO NINYONG TUTUPARIN NINYO ANG HULING HILING NI NOVA.
ANONG MAKUKUHA NIYA SA PAG-ATAKE KAY HEATHER?
DUWENDE: PANOORIN MO NA LANG.
DUWENDE: TALAGANG... KAHANGA-HANGA.
CAP: SA MGA SUMUNOD NA ARAW, MULING NAGING STAR OF THE SEASON SI
NOVA.
CAP: IBINALITA NG MGA DIYARYO ANG BAWAT NIYANG GALAW, ISINULAT ANG
BAWAT SINABI. LUMITAW ANG LARAWAN NIYA SA BAWAT DIYARYO AT
TABLOID.
Pahina 18.
CAP: SA KORTE, HABANG DINIDINIG ANG KANIYANG KASO, MULI NIYANG
NAPALUHA ANG MGA MANONOOD. KAHIT ANG HUWES AY HINDI
NAPIGILANG MALUHA.
CAP: SA PAGTATAPOS NG KANIYANG TALUMPATI, HUMINTO SIYA AT HINAYAAN
ANG MGA KAMERANG TUMITIG. NAG-FLASH ANG MGA BOMBILYA
AT KINUHA NG MGA KAMERA ANG KANIYANG PINAKAMATINDING
PAGGANAP.
CAP: GUSTO KO LANG NAMANG LUMIGAYA KAYONG LAHAT. KUNG ISA IYONG
KRIMEN...
CAP: I. AM. GUILTY.
CAP: NAPUNO ANG BUONG KUWARTO NG TUNOG NG PALAKPAK.
CAP: SUMIGAW ANG HUWES PARA SA KAAYUSAN.

CAP: TININGNAN NI NOVA ANG BAWAT ISA SA MGA MANONOOD AT NGUMITI.
CAP: AT UNTI-UNTING NAGING ITIM ANG LAHAT.
CAP: AYON SA MGA DOKTOR, NA-STROKE DAW SI NOVA.
Pahina 19.
CAP: ILANG BUWAN ANG LUMIPAS, SA UNANG ARAW NG FILMFEST...
BATA: WOW, ANG GANDA-GANDA NIYA!
BATA: SANA SIKAT DIN AKONG KATULAD NIYA.
CAP: COMING SOON: ANG SUSUNOD NA BITUING MANINGNING.




ANG MGA DUWENDE Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol


Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid
na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa
kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana
ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing
hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento
niya ito:
“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang,
ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga
muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi
sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi,
braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila
pagkagising. Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na
madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan
nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula
sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala
ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan
dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung
sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama
o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay
parurusahan sila at hindi na muling babalikan.
“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay
ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at
mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng
kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago
maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit
siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha;
mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso
niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya--malaki para sa kaniyang braso.”
Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang
maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende.
Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na
pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng
bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab
sa mga kamisa at saya.
Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa
duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa
gabi.

KAY MARIANG MAKILING ni Edgar Calabia Samar


Nagpaalam noon ang Nanay.
Hindi ipinaalam kung saan siya pupunta.
Anong pook ang maaari niyang puntahan
upang di na magbalik?
Anong pook ang maaari niya?
Nagkampo kami ni Tatay sa Makiling.
Inalala ang kuwento ng diwatang
naglaho sa panglaw ng sariling panaghoy.
“Hindi na siya babalik,” sabi ni Tatay.
Pag-uwi, tinanaw ko ang bundok,
at totoo, mas maganda itong tingnan
sa malayo: hindi matitinag, buo.

ANG ALAMAT NI DARAGANG MAGAYON


Katulad ng lahat ng alamat, nangyari ang kuwentong ito noong unang panahon.
Naganap ito sa payapang rehiyon ng Ibalong, sa maliit na bayan ng Rawis, na
pinamumunuan ng makatarungang datung si Makusog. Ang asawa ng datu na si Dawani
ay namatay sa panganganak. Kaya’t nanatiling iisa ang anak ni Datu Makusog—isang
anak na babaeng walang kapares sa kagandahan at kabaitan, si Daragang Magayon.
Hindi tuloy nakapagtataka kung bakit dumadayo ang napakaraming manliligaw mula sa
ibang tribu, kabilang na ang nasa malalayong bayan, upang mabihag ang puso ng dalaga.
Ngunit wala ni isa sa mga binatang ito ang nakakuha ng pagtingin ng magandang binibini.
Wala, kahit ang makisig at mapagmataas na si Pagtuga, ang dakilang mangangaso at datu
ng Iraga. Kahit pa pinaulanan ni Pagtuga ng mga handog na ginto, perlas, at iba pang
kayamanan ang ama ni Magayon, ay hindi pa rin nito nakuha ang loob ng dalaga.
Isang katangi-tanging binatilyo ang nagpakita si Rawis: si Ulap, ang tahimik ngunit
matapang na anak ni Datu Karilaya ng Katagalugan. Naglakad siya nang malayo upang
makita ng sarili niyang mga mata ang ipinagbuunying kagandahan ni Daragang Magayon.
Ngunit hindi katulad ng ibang manliligaw, nagdahan-dahan si Ulap. Tiniis niya ang
magnakaw lamang ng mga sulyap mula sa malayo habang nagtatampisaw si Daragang
Magayon sa ilog ng Yawa.
Pagkatapos ng isang maulang gabi, pumunta ulit si Magayon sa Ilog Yawa upang
magtampisaw. Nadulas siya sa batuhan at nahulog sa malamig na ilog. Dagli-dagling
sumaklolo si Ulap at binuhat ang nangangatog na dilag pabalik sa dalampasigan. Ito ang
naging simula ng pag-iibigan ni Daragang Magayon at ni Ulap.
Ilang beses pang nagtagpo si Ulap at si Daragang Magayon. Hanggang sa isang araw,
sinundan ni Ulap si Magayon sa pag-uwi. Pagdating sa bahay ni Datu Makusog, buong
lakas nang loob na ibinaon ni Ulap ang kaniyang sibat sa hagdan. Ipinapahiwatig nito
ang kaniyang kagustuhang pakasalan si Magayon. Walang nagawa si Magayon kundi
mamula, magpigil ng tawa, at umiwas ng tingin. Dahil dito, napagtanto ni Datu Makusog
na umiibig ang kaniyang nag-iisang anak, kaya’t hindi na siya nagpahayag ng kahit
anong pagtanggi. Tuwang-tuwa si Magayon at si Ulap. Binalak nilang gawin ang kasalan
pagkalipas ng isang buwan upang mabalitaan ni Ulap ang kaniyang mga kababayan, at
upang makapaghanda nang husto para sa pagdiriwang.
Mabilis na kumalat ang magandang balita. Nakarating agad ito kay Pagtuga, na
namula sa galit.
Nang mangaso si Datu Makusog, dinakip siya ni Pagtuga. Nagpadala si Pagtuga ng
mensahe kay Magayon, nagbabantang papatayin ang kaniyang ama at maghahasik ng digmaan sa kaniyang bayan kung hindi siya pakakasalan.
Sinunod ni Magayon ang kahilingan ni Pagtuga, labag man sa kaniyang kalooban.
Agad-agad na inihanda ang kasalan. Nang malaman ni Ulap ang masaklap na pangyayari,
nagmadali siya pabalik ng Rawis kasama ang pinakamagigiting niyang mandirigma.
Kasisimula pa lamang ng seremonya nang dumating sina Ulap. Sa halip na isang
pagdiriwang para sa kasal, isang madugong labanan ang naganap. Napuno ang langit ng
mga palaso. Napuno ang hangin ng tunog ng nagkikiskisang bolo. Nagtuos si Ulap at si
Pagtuga, isang labanan para sa kamay ng nag-iisang si Magayon.
Nadaig at napaslang ni Ulap si Pagtuga. Masayang sinalubong ni Magayon si Ulap,
akmang yayakapin—nang biglang isang ligaw na palaso ang tumama sa likod ng dalaga.
At habang sapo-sapo ni Ulap ang nag-aagaw-hininga niyang iniibig, bigla siyang sinibat
sa likod ng isang kawal ni Pagtuga. Agad na hinataw ni Datu Makusog ang kawal ng
kaniyang minasbad, isang matalim na bolo.
Pagkatapos ng mabilis na pangyayaring iyon, tumahimik ang lahat ng mandirigma.
Tumigil ang digmaan. Sa halip na marinig ang kasiyahan ng isang pagdiriwang ng kasalan,
mga hikbi at hagulgol para sa mga pumanaw ang lumutang sa hangin. Kahit na halos
walang makita dahil sa walang-tigil na pagluha si Datu Makusog, naghukay siya nang
naghukay. Nang matapos, inilibing niya ang kaniyang nag-iisang anak na si Magayon, at
ang nag-iisa nitong pag-ibig na si Ulap, nang magkatabi at magkayakap.
Habang lumilipas ang mga araw, unti-unting tumaas ang lupang pinaglibingan kina
Ulap at Magayon. Tumaas ito nang tumaas, at di nagtagal, sinamahan ito ng pagyanig
ng lupa at pagtilapon ng nagbabagang mga bato. Naniniwala ang mga matatanda na
kapag nangyayari ito, ginagalit ni Pagtuga ang bulkan upang maibalik sa kaniya ang mga
kayamanang iniregalo niya kay Magayon—mga regalong inilibing kasama ng dalaga sangayon sa mga lumang paniniwala.
May mga araw kung kailan natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sinasabi
ng mga matatanda na kapag nangyayari ito, hinahalikan ni Ulap si Magayon. At
kung pagkatapos nito ay marahang dumampi ang ulan sa magiliw na libis ng bulkan,
naniniwala ang mga matatandang lumuluha si Ulap.
Pagkatapos ng mahabang panahon ay umigsi na ang pangalan ni Magayon at naging
Mayong o Mayon. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, kahit na maaliwalas ang panahon,
isang anino ng masalimuot na kuwento ng isang natatanging dalaga at ng kaniyang iniibig
ang bumabalong sa magandang bayan ni Daragang Magayon.

MABANGIS NA LUNGSOD ni Efren R. Abueg



Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na
lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may
bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng
dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang
gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay
hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong.
Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y
naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon
katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kaniya
kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang
nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang
mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at mabawasan ang mga
taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit
na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng
suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga
hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman
ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may
puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang
mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob
ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kaniyang mga bisig sa wala
pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang
ipinararamdam ng pangangalam ng kaniyang sikmura at sinasapian pa ng takot na
waring higad na gumagapang sa kaniyang katawan.
“Mama... Ale, palimos na po.”
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng
mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng
pagmamadali ng pag-iwas.
“Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!” Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap,
pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,”
madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap
na iyon ay untag sa kaniya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kaniyang katabi sa
dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling
Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang
paghindi sa kaniya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.
“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik
kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim
na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kaniyang bulsa,
ngunit kailan man ay hidni nakarating sa kaniyang bituka.
“Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!”
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak
ng lupa. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng
karukhaan.
Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali,
narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa
wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi,
hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad
ng kaniyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa mga taong sa kaniyang
kinaroroonan.
“Malapit nang dumating si Bruno...” ani Aling Ebeng na walang sino mang
pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kaniyang bituka ang
nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kaniyang mga laman
at nagpapantindig sa kaniyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng
isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kaniyang harap ang mga taon malamig,
walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa
kaniyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kaniyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at
hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kaniya na gumawa ng isang
marahas na bagay.
Ilang barya ang nalaglag sa kaniyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat
ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari
bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang
mga barya sa kaniyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kaniyang palad. At sa
kaabalahan niya’y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa
simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga
kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling
pag-iwas.
“Adong... ayun na si Bruno” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.
Tinanaw ni Adong ang ininguso sa kaniya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad
na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na
gora. Napadukot si Adong sa kaniyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig.
At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kaniyang mga ugat. Ngunit
ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina
pa ay mamamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kaniyang palad ang mga baryang
napagpalimusan.
“Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang
sinabi sa matanda.
“Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!”
Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglalakad, sa
simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas
siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik
siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya’y nawala na
siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan
ng kaniyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng
isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo
sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa
mula’t pa’y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa
kaniyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing.
 “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kaniya ng lagim. Ibig niyang
tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kaniyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni
Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kaniyang bisig, niluluray ang munting lakas
na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at
kabangisan.
“Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!” Naisigaw na lamang ni Adong.
Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya
ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi
na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kaniya.

NEMO, ANG BATANG PAPEL ni Rene O. Villanueva


1 Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit
saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase.
Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak
siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.
2 Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad
niya sa labas si Nemo.
3 Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba.
Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng ratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng
daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip.
Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
4 Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin
bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang
maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik
nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
5 Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit
na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto
rin niyang maging isang tunay na bata.
6 “Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng
totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
7 Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin
mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
8 Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang
paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang
hiling.
9 “Bituin, bituin, tuparin ngayon din
Ako’y gawing isang batang masayahin!”
10 Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang
paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
11 Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid
na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
12 “’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho
kayo!”
13 Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
14 Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na
bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano
makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
15 Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng
sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
16 Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang
kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa
paaralang pinanggalingan niya.
17 Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si
Nemo ng libro.
18 “Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
19 “Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
20 “Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
21 “Alis diyan!”
22 Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang
sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At
kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
23 “’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
24 Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na
lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng
sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa  mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik
na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na
ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng
matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
25 “Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
26 Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batangkalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro.
Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo
na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng
kanilang mata.
27 Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang
bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman
ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang
kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
28 Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila,
nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos
na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.
29 Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang
pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa
pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
30 “Bituin, bituin, tuparin ngayon din
Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
31 Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay
gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong
pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
32 Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel.
Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang
mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at
mabuhay sa malupit na kalsada.
Mula sa: Ang Gintong Habihan: Mga Kuwentong Premyado ng Palanca. (1998). Maynila: Tahanan Books for Young Readers

ANG AMBAHAN NI AMBO ni Ed Maranan


Balisang nagising si Jack, malakas ang kabog ng dibdib. Uminom siya ng isang basong
tubig. Kay samang panaginip! Nagkaroon ng malaking sunog sa bundok ng Halcon,
umabot sa pinakatuktok. Natupok lahat ang mga puno at damo. Paghupa ng apoy ay siya
namang pagdilim ng mga ulap, na sinundan ng ilang araw na bagyo at bugso ng ulan.
Nalusaw ang lupa at bato sa bundok ng Halcon, at unti-unti itong dumausdos patungong
kapatagan, tangay ang lahat ng naiwang buhay na mga tao at iba pang nilalang.
Nagtatangisan ang mga Mangyan sa pagkagunaw ng kanilang daigdig – habang siya ay
walang puknat ang takbo. Hindi niya malaman kung nasaan na ang kaniyang Ate Anne at
mga magulang…
Umaga na pala. Pagbangon ni Jack ay dumungaw siya agad sa bintana. May tilamsik
ng liwanag sa ituktok ng Halcon. Ang bundok ay parang isang tahimik na tanod, luntian
at matayog. Bihira niyang makita itong walang suklob na ulap, tulad ngayon.
“Balang araw, Jack,” sabi sa kaniya ni Ambo noong nakaraang araw, “aakyatin natin
iyan, hanggang doon sa ituktok, hanggang doon sa mga ulap!”
Lumukso ang kaniyang puso sa sinabing iyon ni Ambo.
“Hoy, di maaaring di ako kasama!” sabad ni Anne, ang matandang kapatid ni Jack.
“Tayong lahat, aakyatin natin ang mga ulap sa Halcon!” wika ni Ambo.
Si Ambo ay isang batang Mangyan. Siya ang matalik na kaibigan ng dalawang tagaMaynilang si Jack at si Anne.
Ngayong umagang ito, parang mabigat ang dibdib ni Jack. Hindi mapawi sa isipan ang
kaniyang napanaginipan.
“Naku, daddy, mommy, para pong totoong-totoo! Para nga akong humihingal pa sa
pagod paggising ko….,” bulalas ni Jack nang sila’y nag-aagahan na.
“Para namang disaster movie ang panaginip mo!” tudyo ni Anne. “’Yan kasi,
palibhasa’y walang mapagpuyatang video dito sa Mindoro, midnight snack naman ang
napagtripan, naimpatso tuloy, at muntik nang bangungutin!”
“Dati-rati, panay namang masasaya ang mga panaginip ko,” sabi ni Jack.
Napatingin siya kay Pete, ang kaniyang ama. Tahimik itong kumakain, tila nag-iisip
nang malalim. Iniisip ni Pete ang nangyari kahapon. Silang apat ay dumalo sa pagbibinyag ng isang
batang Mangyan. Ang pagbibinyag ay ginawa ng isang dayuhang misyonerong Kristiyano,
na ilang taon nang nakikipamuhay sa mga katutubo ng bundok, at sa pag-uugali,
pananamit at pananalita’y aakalain mong isa na ring Mangyan.
Maraming Mangyan ang dumalo sa binyag, ngunit hindi sila lubos na masaya, kahit
pa man umaapaw ang hapag na kawayan sa dami ng pagkaing-gubat na pinag-ambagambagan ng maraming kamag-anak at kakilala. Ilan sa kanila ang naglakas-loob na
magsalaysay ng kanilang mga karanasan nitong nakaraang mga araw.
Isang matandang Mangyan ang huling nagsalita.
“Saan pa po kami pupunta? Itinataboy kami ng mga nagmimina at nagtotroso mula
sa aming tinitirhan. Itinataboy kami ng mga nang-aagaw ng lupa mula sa burol. Kami
pong mga katutubo ay ipit na ipit na, paatras kami nang paatras paakyat sa bundok, at
nalalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay. Para nang bulkang sasabog ang
aming mga dibdib sa sama ng loob!”
Nasaksihan nina Pete at Tet at ng dalawa nilang anak ang paghihimagsik ng look at
ang pagtulo ng luha ng mga Manyan. Nang umiyak si Ambo ay nangilid din ang luha ng
magkapatid.
Si Jack at si Anne, na kapuwa tubong-Amerika ngunit laking-Maynila at
nakapaglakbay na sa ibayong dagat, ay dinala sa Mindoro ng kanilang mga magulang
upang magkaroon ng “kakaibang karanasan” at “katutubong kaalaman”.
Si Pete ay isang doktor. Si Tet ay isang guro, manunulat at mananaliksik. Ilang
taon din silang naglagi at nagpakadalubhasa sa Amerika, bago naisipang umuwi sa
Pilipinas upang doon palakihin ang dalawa nilang anak. Nanaig sa kanila ang hangaring
makatulong sa anumang paraan para sa kanilang mga kababayan, matapos silang
dumalo sa isang “solidarity congress” na idinaos sa San Francisco, California, noong
panahon ng Batas Militar, ilang taon na ang nakararaan.
Isang delegasyon ng mga aktibista at mga pinuno ng katutubong Pilipino ang
nagbigay ng iba’t ibang uri ng pagtatanghal – mga dula at tula, mga sayaw, mga video ng
mga pangyayari sa Pilipinas sa ilalim ng diktadura, lalo na ang kalunos-lunos na kalagayan
ng mga katutubong Pilipino. Ang karaniwang tawag sa kanila ay “mga minorya”, o “mga
taong-bundok”, o kaya’y “mga pagano”. Naantig ang damdamin ng mag-asawa, at sila’y nagtanong kung paano makatutulong
ang mga Pilipino sa ibayong dagat upang mapabuti ang kalagayan ng mga katutubo sa
Pilipinas.
“Maaari kayong magpadala ng mga pangkat na magsasagawa ng imbestigasyon sa
aming tunay na kalagayan,” wika ng isang kinatawan ng mga Lumad sa Mindanao.
“Maaari kayong sumulat at magsiwalat ng kasamaang dulot ng mga proyektong
nakasisira sa kalikasan, at sumasakop sa aming lupaing ninuno,” wika naman ng isang
pinuno ng tribung taga-Kordilyera.
“Maaari rin kayong magpadala ng mga manggagamot at mga guro sa aming pook
upang bigyan ng lunas ang aming mga karamdaman, at turuan kaming bumasa at
sumulat, upang maipaglaban namin ang aming mga karapatan,” payo naman ng isang
tagapagsalita ng mga Mangyan.
Ilang buwan pagkatapos nilang dumalo sa kongresong iyon, pabalik na sa Pilipinas
ang mag-asawang Pete at Tet, kasama ang kanilang dalawang anak. Sa Maynila na nila
papag-aaralin sina Anne at Jack, habang sila’y lalahok sa mga proyektong may kinalaman
sa pagtulong sa mga katutubong Pilipino.
Maraming nagtaka kung bakit nagpasiyang umuwi ang mag-asawa, samantalang
maaliwalas ang kanilang kinabukasan sa Amerika. At lalo silang nagtaka kung bakit
madalas na dumalaw sina Pete at si Tet sa mga katutubo, na nasa malalayong
bulubundukin ng Luzon, Kabisayaan at Mindanao.
Sari-saring palagay at payo ang narinig ng mag-asawa mula sa mga kamag-anak –
kabilang na ang kanilang mga magulang – mga kaibigan, at mga dating kamag-aral.
“Bumalik na lang kayo sa Isteyts, alang-alang sa mga anak n’yo! Tutal, sa Amerika
kayo nag-aral at nagkaanak, kaya sanay na kayo sa buhay-isteytsayd!”
“Naku, kailangan daw ngayon ang mga doktor at titser sa US, Saudi at Canada! Aplay
na kayo! Sabay-sabay na tayong umalis! Wala na yatang pag-asa itong bayan natin!”
“Ano? Medical mission na naman sa mga tribu? Mapagkamalan ka pang isang
rebelde, kasi gusto mong tumulong sa mahihirap! Tingnan mo ang nangyari kay Dr.
Bobby de la Paz, at Dr. Johnny Escandor!” Alam ni Pete kung sino ang tinutukoy nila. Mga bayaning doktor na nangasawi
habang nanggagamot sa mahihirap sa kanayunan. Pinagbintangan silang mga kasapi ng
kilusang rebelde.
“Ano’ng mapapala n’yo sa bundok? Malarya. At ano’ng ibabayad sa iyong
paggagamot? Manok, gulay, o kaya’y Diyos-na-lang-po-ang-bahalang-gumanti-sa-inyo!
Kelan mo pa mababawi ang daan-libong ginastos mo sa pag-aaral ng medisina?”
“Ha? Ipinagpalit mo ang pagiging propesor sa UP sa pagtuturo sa mga taong nasa
bundok, at wala ka pang suweldo?”
Ngunit nangingiti na lamang ang mag-asawa. Malalim ang pagnanais nilang
dumamay sa mga kababayan at kalahi nilang wika nga’y tinalikdan na ng panahon
at pinabayaan na ng pamahalaan. Sa kaunting panahong nakipamuhay sila sa
mga katutubong ito, nagkaroon ng bagong kahulugan ang kanilang buhay bilang
manggagamot at guro.
Matuling lumipas ang panahon, at nang malaki-laki na sina Anne at jack, isinasama
na sila ng kanilang mga magulang, tuwing bakasyon, sa kanilang medical mission at
educational outreach sa iba’t ibang tribu sa Pilipinas. At ngayon ngang taong ito, naisipan
ng mag-asawa na bumalik sa Mindoro upang muling dalawin ang kanilang mga kaibigang
Mangyan.
Dalawang buwan silang maninirahan sa bayan ng Pinagkamalayan, sa Silangang
Mindoro. Ang bayang ito ay nasa mga burol sa paanan ng kabundukang kinaroonan ng
matayog na Halcon. Hindi makita halos ang ituktok nito, na tinawag ng mga Mangyan na
‘lagpas-ulap’.
Masigla ang magkapatid habang umaakyat sa kabundukan ang kanilang sasakyan.
Ilang kilometro sa Pinagkamalayan, pataas na ang lupa. Dito nagsisimula ang gubat na
laging maulap at maulan. Nasa ilang at liblib na pook na iyon ang Bagong Nayon, na
siyang kinaroroonan ng mga Mangyang matagal nang kakilala ng kanilang mga magulang.
Dito rin nila unang nakilala si Ambo. Halos magkasinggulang si Ambo at si Jack. Payat
at may kaliitan si Ambo, samantalang si Jack ay mabulas na bata.
“Bakit hindi ka na nag-aaral?” naitanong minsan ni Jack kay Ambo. Si Jack ay nasa
ikaanim na baytang ng elementarya sa Maynila. “Greyd Tu na ako nang kami’y pinalayas sa aming nayon. Malapit kami noon sa iskul.
Dito, kailangan pang maglakad nang napakalayo… kaya tumigil na lang ako… pati ‘yung
ibang mga bata, nahinto na rin…”
Malungkot si Ambo tuwing magkukuwento siya.
“Isang araw, may dumating na mga tao, galing sa Maynila. May dala silang… ano ba
‘yun?... papeles yata ang tawag. Magmimina raw sila ng karbon, o kaya’y ginto, sa aming
lugar. Sila na nga ang nagpapaalis, sila pa ang galit…”
Marami rin namang tanong si Ambo sa magkapatid.
“Nagtataka ‘yung ibang Mangyan dito. Bakit daw ‘Merkano yata ang mga pangalan
n’yo, pati na ang mga magulang n’yo?”
Natawa ang magkapatid.
“Kasi,” paliwanag ni Jack, “sa Amerika kami pareho ipinanganak. Doon nagtapos ng
pag-aaral ang mommy at ang daddy…”
“Ang totoo,” wika naman ni Anne, “si Jack ay Santiago at ako’y Anna Maria. Ito ang
mga pangalang pinili ng aming lolo’t lola, na may lahi raw Kastila!”
“At ang buong pangalan ng aming mga magulang ay Pedrito at Teresita,” paliwanag ni
Anne.
Di malaman ni Ambo kung siya’y mapapatango o mapapailing. Lalo lamang siyang
nalito sa paliwanag ng magkapatid.
Ilang linggong nanirahan ang mag-anak sa Bagong Nayon. Masayang-masaya si
Jack at si Anne. Marami na silang natututuhan dito, na hindi itinuturo sa paaralan!
Ang kabataan ay mahusay humilis ng katutubong biyolin, at kumalanting ng gitara.
Tumututugtog din sila ng agung kasabay ng matatanda.
Bihasa rin silang humabi ng damit at maglala ng basket. Nakabubuo rin sila ng mga
kuwintas mula sa mga butil at manik, at ng mga pulseras, sinturon at iba pang kagamitan
mula sa halamang ang tawag ay nĆ­to. Marami rin sa kabataan ang sanay magpatunog ng
hihip na kawayan, at gumamit ng sibat sa pangangaso. Si Ambo nga raw ay nakapag-uwi
na ng isang maliit na baboy-damo! At itong si Ambo, gayong napakabata, ay may pambihirang galing sa ambahan.
Ito’y isang uri ng tula na binibigkas ng mga Mangyan. May iisang tugma o rima, at
bawat linya o taludtod ay pito ang pantig. O kaya’y itinititik ito sa buho ng kawayan sa
pamamagitan ng pag-ukit, at gumagamit ng sinaunang alpabetong Mangyan.
“Ang gagaling pala nilang tumula, mommy!” sambit ni Jack sa kaniyang ina.
“Mayaman ang katutubong kultura, anak, at malungkot isiping baka ito’y tuluyan
nang mawala dahil sa pagpasok ng mga dayuhang nais lamang pagkakitaan ang yaman
ng lupa…”
Nag-alay si Ambo ng ambahan sa magkapatid. Si Tet ang nagsalin para sa kanila:
Isang araw, isinama ni Ambo si Jack at si Anne sa loob ng gubat. Dala nito ang
kaniyang sibat, sakali’t makasabat sila ng baboy-damo sa kanilang paglalakad.
Tahimik na tahimik ang gubat, maliban sa huni ng ibon, kaluskos ng dahon, at anas
ng banayad na hangin.
Payat man ay malakas at maliksi si Ambo. Si Jack at si Anne pa nga ang patigil-tigil,
habol ang paghinga. Natatawa lamang si Ambo, at matiyaga niyang inantay ang mga
kaibigan.
Wala silang imikan halos. Ilang oras na silang naglalakad sa gubat. Wala pang
natutudla ang sibat ni Ambo. Ngunit siyang-siya naman ang magkapatid sa namamalas
nilang tanawin. Anong yamang pala ng gubat sa luntiang halaman, mga ligaw na bulaklak
na matingkad ang kulay, maiilap na hayop, at mga ibong umaawit!
Nakarating sila sa isang mabatong gulod. Mula rito’y tanaw nila ang malayong dagat.
Maya-maya’y nagdilim ang langit. Gumuhit ang matalim na kidlat. Nayanig ang bundok
sa lakas ng kulog. Bumuhos ang ulan. Sumilong ang tatlo sa isang yungib. Doon na sila inabot ng ginaw at gutom. Di
naglaon ay humupa ang unos sa bundok.
“Bumalik na tayo,” sabi ni Ambo. “Mukhang sasama pa ang panahon.”
Maingat silang bumaba sa nagputik na dalisdis ng bundok. Nang bigla, nakarinig sila
ng ingay, parang hinahawing mga dawag. Papalapit sa kanila ang ingay na iyon.
“Kubli!” anas ni Ambo.
Nagtago sila sa ilalim ng isang nakayungyong, mayabong na pako, sa likod ng
matatayog na puno. Nag-antay sila. Inihanda ni Ambo ang kaniyang sibat.
“Baka baboy-damo na!” usal ni Jack, na bagama’t nananabik ay nanginginig naman at
kinakabahan.
Sa halip, ang lumitaw ay isang pangkat ng mga lalaki at babae. May dalang baril
ang mga ito, at may pasang mga knapsack sa likod. Masaya silang nag-uusap, bagama’t
mukhang hapo. Ang iba sa kanila ay Mangyan.
“Kilala ko sila,” bulong ni Ambo sa magkapatid.
Hindi sila nagpakita. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ni Jack at ni Anne nang sila’y
muling lumakad.
Pagkaraan ng mga isang oras ng maingat na pagbaba sa kabundukan, sumigaw muli
si Ambo.
“Kubli!”
Nagsumiksik sa ilalim ng isang punong ibinuwal ng bagyo. Sa pagitan ng mga nagusling ugat, makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng mga nag-usling ugat,
makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng bagong ingay. Papalakas ang mga yabag
at mga tinig. Lumitaw mula sa makapal na dawag at kakahuyan ang isang pangkat ng
kalalakihan.
Nakasuot sila ng unipormeng batik-batik at kulay-berde, nakagora ng itim, at
sandatahan. Nakapulupot sa kanilang katawan ang tila ahas na lalagyan ng kanilang mga
bala. Mabalasik ang kanilang anyo, palinga-lingang anaki’y may hinahanap o tinutugis na
kaaway o tulisan. Parang pinitpit na luya ang tatlong bata. Wala silang katinag-tinag. At wala silang
imikan nang magpatuloy sila sa pagbaba ng bundok.
Lumakas uli ang ulan. Sala-salabat ang kidlat. Dumagundong ang kulog. Sa pagitan
ng malalakas na kulog ay parang may narinig silang sunod-sunod na maliliit na kulog sa
di-kalayuan. Mga putok ng sandata.
Matuling lumipas ang dalawang buwan, at natapos ang bakasyon ng magkapatid.
Malungkot silang nagpaalam sa mga taga-Bagong Nayon, lalo na kay Ambo.
Babalik kami sa isang taon, pangako ‘yan!” sabi ni Anne.
“Aakyat uli tayo sa bundok!” nakatawang sabi ni Jack.
“Kung… narito pa kami…,” mahinang tugon ni Ambo.
Nagkaroon ng simpleng seremonya ang Bagong Nayon bilang pasasalamat kina Pete
at Tet sa kanilang pagtulong. Maraming nagamot si Pete. Marami rin siyang natutuhan
tungkol sa mga likas na panlunas na matatagpuan sa kagubatan. Marami namang
naturuan si Tet sa pagsulat at pagbasa. Marami rin siyang natutuhang mga ambahan,
awit at mga alamat mula sa mga kaibigang Mangyan.
“Dapat din kaming magpasalamat sa inyo,” tugon ng mag-asawa sa kanilang
pamamaalam. “Marami kaming natutuhan sa inyong lahat, at maging ang dalawa
naming anak ay namulat sa napakaraming kaalaman ng mga katutubo!”
Bago sila umalis, bumigkas uli si Ambo ng isang ambahan para sa kanila:
Paalam, kaibigan
salamat sa pagdalaw
sana’y di malimutan
malayong kabundukan
ay laging naghihintay
nananabik ang buhay
sa ating katuwaan
hindi ito paalam
masayang paglalakbay!

IMPENG NEGRO ni Rogelio R. Sikat


BAKA makikipag-away ka na naman, Impen.”
Tinig iyon ng kaniyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray
na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.
“Hindi ho,” paungol niyang tugon.
“Hindi ho...,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi
ka ngang mababasag-ulo.”
May iba pang sinasabi ang kaniyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na
niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kaniyang tainga.
Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay,
pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa’y naghilamos.
“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala
nang gatas si Boy. Eto ang pambili.”
Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang
kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kaniyang higaan. Ngunit
kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon
na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa
pagsahod.
Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya’y pumasok.
“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”
Sa sulok ng kaniyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang
kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang
dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang
laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kaniyang kapatid na bunso. Pinasususo.
“Mamaya, baka umuwi ka namang...basag ang mukha.”
Bahagya na niyang naulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid.
Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nasa tagiliran ng
nanggigimalmal na mesang kainan. Nagsisikain pa. Matagal na napako ang kaniyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kaniya. Maputi
si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa
niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y
maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kaniyang biyas.
Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga
damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang
kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.
“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ng kaniyang ina ang kaniyang iniisip.
Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kaniya ang kamisetang iyon noong
bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot
iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng
kaniyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kaniyang kita sa pag-aagwador.
Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluytuloy niyang tinungo ang hagdan.
“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kaniyang ina. “Huwag mo nang papansinin.”
Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na
siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.
Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina.
Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw
gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi
siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunukso sa kaniya sa gripo,
lalung-lalo na mula kay Ogor.
Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kaniya, ang malimit magsisimula ng
panunukso:
“Ang itim mo, Impen!” itutukso nito.
“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.
“Sino ba talaga ang tatay mo?”
“Sino pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!” Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor
ang kinikilalang hari sa gripo.
Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:
“E ano kung maitim?” isasagot niya.
Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y bigla na
lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kaniyang batok.
“Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran
nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang
buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso...
Namamalirong!
Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya
sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya’y isang
sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.
Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan
nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kaniyang ina. (Gayon nga kaya
kasama ang kaniyang ina?)
“Sarisari ang magiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang
kaniyang nanay ngayon!”
Noong kabuntisan ng kaniyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa.
Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa
pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kaniyang ina, nahihiyang
lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang
napagtuunan ng sarisaring panunukso.
Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang
umalimpuyo sa kaniyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik:
nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng
pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.
Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang
tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga
iyon. Sa kaniya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa
mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!
Napapatungo na lamang siya.
Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng
araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito.
Nagkakatuwaan. Naghaharutan.
Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan
si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng
pagkakataong maging kaibigan.
Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas
si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig;
tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulong tinungo niya ang hulihan ng pila.
Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y
huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.
Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa
bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kaniya. Diyes sentimos na
naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo
ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.
Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga
nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang
dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.
Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay
nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa
balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.
Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kaniyang tingin. Pinilit niyang
supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at
ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kaniyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad
sa init. Pasasaan ba’t di iikli ang pila? Naisip niya. Makasasahod din ako. Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa
tindahan:
“Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!”
Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at
nanunukso na naman.
“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!”
Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang
naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya’y ang bilin ng ina,
na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?
Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang
balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng
araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kaniyang anino. Tumingala siya ngunit siya’y
nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kaniyang balat. Tila ibig nang matuklap
ang balat sa kaniyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kaniyang anit at sa
ibabaw ng kaniyang nguso. May butil na rin ng pawis sa kaniyang ilong.
Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di
natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang
batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kaniyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo.
Kinuskos niya ang kaniyang buhok at nabasa pati ang kaniyang anit. Binasa niya ang
balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon.
Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kaniyang
balat. Kay hapdi ng kaniyang batok at balikat.
“Negro!” Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya
ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka nang magbibilad. Doon ka sa lamig.”
Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa
gripo, muli niyang nakita na nginingisihan siya nito.
Napakatagal sa kaniya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntong-hininga
siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor,
naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik. May galak na sumusuno sa kaniyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno
ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako,
sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay
Taba. Bibili ng gatas.
Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang
ang sa kaniya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa
kaniyang balikat. Si Ogor ang kaniyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan
nito ng tubig.
“Gutom na ako, Negro,” sabi ni Ogor. “Ako muna.”
Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga
balde. Iginitgit din niya ang sa kaniya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit.
“Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako
muna sabi, e,” giit ni Ogor.
Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang
kaunting nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang
mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang
ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa
paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.
“Ano pa ba ang ibinubulong mo?”
Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng
nabitawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento.
Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kaniyang utak. Habang nakaluhod, dalawang
kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kaniyang mga daliri. Dahandahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!
Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na
pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
“O-ogor...O-ogor...” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga
palad. Kumikinig ang kaniyang ulo at nangangalit ang kaniyang ngipin. “Ogor!” sa wakas
ay naisigaw niya.
Hindi minabuti ni Ogor ang kaniyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan.
At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga
mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kaniya.
Bigla siyang bumaligtad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma
ang mga bisig.
“O-ogor...”
Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit
ang luha sa sulok ng kaniyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang
maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kaniyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak
siyang gumugulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang
sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.
Matagal din bago napawi ang paninigas ng kaniyang pigi. Humihingal siya. Malikot
ang kaniyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.
Si Ogor...Sa mula’t mula pa’y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon
ni Ogor?
Kumikinig ang kaniyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita
niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na
asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.
Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulung-gulong.
Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunud-sunod niya: dagok, dagok,
dagok... pahalipaw... papaluka...papatay.
Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila.
Marumi nang babae ang kaniyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na
Negro! Papatayin niya si Ogor. Papatayin. Papatayinnn!
Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kaniyang mga ugat. Tila asong nagpipilit
makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap
siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling
matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya.
Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdamang sakit.
Wala siyang nararamdamang sakit! Nakakatatlo nang asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro.
Negro!
Sa mga dagok ni Ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at naguumiri siyang umigtad. Napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo,
dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok,
bayo, dagok, dagok, dagok...
Mahina na si Ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay.
Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kaniyang mga
mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...
Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.
“Impen...”
Muli niyang itinaas ang kamay.
“I-Impen...” Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. “I-Impen...s-suko n-na...aako...s-suko...n-na...a-ako!”
Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya. Abutabot ang pahingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang
tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kaniyang kamiseta at duguan
ang kaniyang likod. May basa ng dugo’t lupa ang kaniyang nguso.
Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador.
Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kaniya.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kaniya. Walang pagtutol sa mga mata
ng mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi.
Pinangingimian siya!
May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod
niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang
tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y
nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.
Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na
nakatindig sa pinagwagihang larangan.

ANG PINTOR ni Jerry Gracio


Gumuhit siya ng ibon
Lumipad ito palayo
Gumuhit siya ng isda,
Lumangoy ito sa hangin.
Gumuhit siya ng bulaklak,
Nagkalat ang halimuyak sa dilim.
Iginuhit niya ang sarili,
At inangkin siya ng kambas.

SALAMIN ni Assunta Cuyegkeng


Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
pag-aaralan pati ang mata kong
kape pala ang kulay, hindi itim.
Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.
Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.
Tatapatan niya ako,
sisipatin mula paa hanggang ulo
at ihaharap sa akin,
walang retoke,
ang buo kong pagkatao.

Canterbury, 1 Mayo 1992