Search

Ikinakarga...

About Us

We're from the Regional Science High School- IX. And also, we're teenage girls.

2/28/2013

ALAMAT NG WALING-WALING


Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao,
may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa
kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang
kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang
Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan.
Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang
pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah.
Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon.
Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni BalLido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya,
dumaan muna siya sa isang pagsubok.
“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang
isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di
nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang
puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulat
na lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa
kaniyang katawan.
“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata
pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon
siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka
makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng
sundang sa akin.”
Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig.
Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng
kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye
pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa
lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay
paparating.”
Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa
pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung
gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang
mga salita pagdating sa pag-ibig.\Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang
kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya.
Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit,
dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak, itinago niya ito sa gitna ng
gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga
mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang
sabihin ng kaniyang Rajah.
Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga
ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat
dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita
niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y
sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak.
Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis
ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay
parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim,
at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa
dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit,
nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.
Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang
tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni
Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang
noon pa lamang niya nakita.
Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka
lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong
gawin ng Rajah sa kaniyang ama.
Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya.
Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang
tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya
ang isang nagngingitngit na Rajah.
“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak?
Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa
mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”

Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa
kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa
kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais
ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa
aking harem at siya ang gagawin kong asa…”
Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa
man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda.
Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit
nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng
puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa
ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga
talulot.
Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman
at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng
bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo.
Isang pag-alaala sa mga pag-ibig na sana’y maabot na niya.

Pp 49-53 The Legend of the Waling-Waling ni Gaudencio V. Aquino

0 comments:

Mag-post ng isang Komento