Search

Ikinakarga...

About Us

We're from the Regional Science High School- IX. And also, we're teenage girls.

2/28/2013

NEMO, ANG BATANG PAPEL ni Rene O. Villanueva


1 Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit
saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase.
Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak
siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.
2 Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad
niya sa labas si Nemo.
3 Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba.
Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng ratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng
daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip.
Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
4 Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin
bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang
maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik
nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
5 Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit
na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto
rin niyang maging isang tunay na bata.
6 “Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng
totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
7 Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin
mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
8 Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang
paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang
hiling.
9 “Bituin, bituin, tuparin ngayon din
Ako’y gawing isang batang masayahin!”
10 Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang
paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
11 Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid
na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
12 “’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho
kayo!”
13 Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
14 Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na
bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano
makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
15 Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng
sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
16 Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang
kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa
paaralang pinanggalingan niya.
17 Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si
Nemo ng libro.
18 “Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
19 “Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
20 “Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
21 “Alis diyan!”
22 Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang
sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At
kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
23 “’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
24 Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na
lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng
sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa  mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik
na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na
ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng
matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
25 “Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
26 Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batangkalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro.
Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo
na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng
kanilang mata.
27 Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang
bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman
ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang
kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
28 Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila,
nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos
na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.
29 Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang
pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa
pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
30 “Bituin, bituin, tuparin ngayon din
Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
31 Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay
gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong
pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
32 Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel.
Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang
mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at
mabuhay sa malupit na kalsada.
Mula sa: Ang Gintong Habihan: Mga Kuwentong Premyado ng Palanca. (1998). Maynila: Tahanan Books for Young Readers

0 comments:

Mag-post ng isang Komento