Search

About Us

We're from the Regional Science High School- IX. And also, we're teenage girls.

2/28/2013

MABANGIS NA LUNGSOD ni Efren R. Abueg



Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na
lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may
bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng
dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang
gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay
hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong.
Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y
naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon
katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kaniya
kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang
nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang
mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at mabawasan ang mga
taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit
na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng
suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga
hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman
ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may
puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang
mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob
ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kaniyang mga bisig sa wala
pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang
ipinararamdam ng pangangalam ng kaniyang sikmura at sinasapian pa ng takot na
waring higad na gumagapang sa kaniyang katawan.
“Mama... Ale, palimos na po.”
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng
mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng
pagmamadali ng pag-iwas.
“Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!” Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap,
pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,”
madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap
na iyon ay untag sa kaniya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kaniyang katabi sa
dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling
Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang
paghindi sa kaniya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.
“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik
kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim
na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kaniyang bulsa,
ngunit kailan man ay hidni nakarating sa kaniyang bituka.
“Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!”
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak
ng lupa. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng
karukhaan.
Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali,
narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa
wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi,
hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad
ng kaniyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa mga taong sa kaniyang
kinaroroonan.
“Malapit nang dumating si Bruno...” ani Aling Ebeng na walang sino mang
pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kaniyang bituka ang
nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kaniyang mga laman
at nagpapantindig sa kaniyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng
isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kaniyang harap ang mga taon malamig,
walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa
kaniyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kaniyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at
hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kaniya na gumawa ng isang
marahas na bagay.
Ilang barya ang nalaglag sa kaniyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat
ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari
bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang
mga barya sa kaniyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kaniyang palad. At sa
kaabalahan niya’y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa
simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga
kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling
pag-iwas.
“Adong... ayun na si Bruno” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.
Tinanaw ni Adong ang ininguso sa kaniya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad
na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na
gora. Napadukot si Adong sa kaniyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig.
At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kaniyang mga ugat. Ngunit
ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina
pa ay mamamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kaniyang palad ang mga baryang
napagpalimusan.
“Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang
sinabi sa matanda.
“Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!”
Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglalakad, sa
simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas
siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik
siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya’y nawala na
siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan
ng kaniyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng
isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo
sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa
mula’t pa’y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa
kaniyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing.
 “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kaniya ng lagim. Ibig niyang
tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kaniyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni
Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kaniyang bisig, niluluray ang munting lakas
na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at
kabangisan.
“Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!” Naisigaw na lamang ni Adong.
Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya
ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi
na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kaniya.

111 comments:

Grade 7 ko ata ito napag araln tong kwento tapos ngayong gr11 aaralin ulet nmin ,napakagandang kwento yan

Namatay ba si Adong sa ending?

open-ended kase 'yan, readers and magbibigay ng sariling ending

Yes. Kaya po sa dulo ay may nakalagay na "kapayapaan"

Quiño, guintu, calma, toledano, tayag, soriano, addun, canda, cangco

Nakakatamad basahin pero game lng ng game para sa assignment HAHAHAHAHAHA

Hayyyy sobrang have pero kaya para sa assignment 😂😂

Ito po ba obhektibo o subhektibo?

Lintik na bruno kapangalan mo aso namin

Ang lalalim ng mga tagalog nakakaantok basahin pero para sa assignment gora naaa hahahaha

Grabe parang lahat ng pumunta dito para sa assignment hahahaha

Nakakabagot perovramdam ko ang awa pra ky andong... 🙊😩

Sa anong dekada kaya itong kwento??

Salamat dito, muling nagbalik sa akin Ang kwentong nagpaluha sa'kin nong ako'y nasa ika-pitong baitang pa lamang.

he died "peace suddenly embraced him"

Maganda kwento kaso ung iba ang lalim ng words feeling ko! Mahal na kita😍👈

Ganda ng story, ilang beses ko na ito nabasa.

Ang bangis mo Bruno.😟 Dinala ako rito ng katanungang "Namatay ba si Adong?"
Last item na sa pagsusuri sa Teoryang Naturalismo at nandito ako dahil gusto kong maliwanagan pero noong una kong nabasa, pagkakaintindi ko e' namatay siya.💔

Pota ka lawm ba, 'di kaya ng bisaya kong utak

Ano poba ang kakalasan dyan?

Subhektibo po kasi para malaman mo ang whole story, Kelangan mo ng nalalim na imahinasyon. Just like wattpad hahaha chars.

Ang galing ng kwento👏👏👏

I badly need it, pasahan na po ng modules namin bukas huhuhuhu

Sino nag punta dito para sa assignment Hi G11

Mag Kano hinihingi ni bruno sa pulubi?

Potek ang lalim parang bangin HAHAHAHAHAHHA

ano po yung mga naging pagbabago sa buhay ni adong tnx po sana manotice po

Kawawa namn so adong....pilt niyang komawala Kay Bruno pero walang syang magawa

Salamat po. Magagamit ko ito sa klase ko.

Matalinhaga man basahin pero maiintindihan mo ang husay ng Akda nito.Kung paano si Adong ay may mahirap na kalagayan gaya ng nararanasan ng iba na nakikita ko sa harap ng simbahan.Sa kwentong ito ay nakakahabag at kung iimaginin mo ni reallife true story ito na nangyayari sa buong mundo.Humahanga ako sa nagkatha nito.Balang araw maibabahagi ko din ang sarili kung katha.Salamat sa husay ng Akda na ito kung mababasa lamang ng karamihan ito ay tiyak na kapupulutan ng maraming aral.

Pakagandang kwento ngayon ko lamang napagtanto sa ilang taon kung pagaaral. Ngunit Nakakalungkot lang dahil hindi niya natakasan ang buhay ng kahirapan ..

Naalis ng may-ari ang komentong ito.

Makikita mo sa mga coments ng mga to naaawa cla dun sa bida pero sa totoong buhay makikita mo na cla yung mga taong pinagtatawanan ung mga katulad ni andong HAYS

Anung pagdulog paba ang maaring gamitin maliban sa realismo at markismo?

Totoo po yan at kahit limang piso hirap ibibay 🥺

pov-nandito ka para sa assignment hahahaha

umay, kapoyas pagpag HASHAHSHAAHAHAHHAHH kani pagod gipa gam an og ending, animalll

maypag gi human nani ninyong sulat oi, lantawa kami na noan gi sugo og pahuman sa inyong nasugdan, umay HAHAHHAHAHAHAHAHHAHA

ganda talaga ng story sarap basahin ulit😁

Ano mga pointersnung kwento?

ano bayan,,,,, bakit kasi ako gagawa ng sintesis HUHUHUHU CHAR

Me who's not fluent in tagalog why did i even fricking grew up in states when both of my mom and dad is a filipino:))))

Oh diba 2nd year college nako binabasa ko pa to kase kaylangannnnnnnnnnnnn, tagalog pa anlalalim masdudugo pa utak ko sa filipino keysa sa english😭

we don't talk about bruno no no noo

Maganda yung kwento lessin kasi to ng kuya ko tapus ako ang sumasagot

Magandaa ang kwento Ng lesson kase madami Ka matutunan

maganda yung kwento pero yung malalalim na word diko maintindihan pero naangasan po ako

HAHAHAHAHA 🤪 HIRAP PAG WALA KANG NALALAMAN PAG ONILNE SAME PAIN

Hahahah ano ba Naman to pati layu rIN HHAHAHAHA

antagal niya nang nagtanong 2020 pa tapos 2021 lang nasagot HAHAHAHAH

ayos lang yan, ako nga 2022 na nung nabasa 'to e HAHAHAHAHAH

wag ka maghamal ng may jowa na

realismo, markismo, kissmoko

Ang ganda ng story pero malalim yong word diko masisid charrr haha pero game akk dito foor task

Dikopa binabasa sumasakit na ulo ko.

ayos lang din yan. ako nga 2023 na no'ng nakita ko comments niyo

Mag-post ng isang Komento