Search

Ikinakarga...

About Us

We're from the Regional Science High School- IX. And also, we're teenage girls.

2/28/2013

ANG AMBAHAN NI AMBO ni Ed Maranan


Balisang nagising si Jack, malakas ang kabog ng dibdib. Uminom siya ng isang basong
tubig. Kay samang panaginip! Nagkaroon ng malaking sunog sa bundok ng Halcon,
umabot sa pinakatuktok. Natupok lahat ang mga puno at damo. Paghupa ng apoy ay siya
namang pagdilim ng mga ulap, na sinundan ng ilang araw na bagyo at bugso ng ulan.
Nalusaw ang lupa at bato sa bundok ng Halcon, at unti-unti itong dumausdos patungong
kapatagan, tangay ang lahat ng naiwang buhay na mga tao at iba pang nilalang.
Nagtatangisan ang mga Mangyan sa pagkagunaw ng kanilang daigdig – habang siya ay
walang puknat ang takbo. Hindi niya malaman kung nasaan na ang kaniyang Ate Anne at
mga magulang…
Umaga na pala. Pagbangon ni Jack ay dumungaw siya agad sa bintana. May tilamsik
ng liwanag sa ituktok ng Halcon. Ang bundok ay parang isang tahimik na tanod, luntian
at matayog. Bihira niyang makita itong walang suklob na ulap, tulad ngayon.
“Balang araw, Jack,” sabi sa kaniya ni Ambo noong nakaraang araw, “aakyatin natin
iyan, hanggang doon sa ituktok, hanggang doon sa mga ulap!”
Lumukso ang kaniyang puso sa sinabing iyon ni Ambo.
“Hoy, di maaaring di ako kasama!” sabad ni Anne, ang matandang kapatid ni Jack.
“Tayong lahat, aakyatin natin ang mga ulap sa Halcon!” wika ni Ambo.
Si Ambo ay isang batang Mangyan. Siya ang matalik na kaibigan ng dalawang tagaMaynilang si Jack at si Anne.
Ngayong umagang ito, parang mabigat ang dibdib ni Jack. Hindi mapawi sa isipan ang
kaniyang napanaginipan.
“Naku, daddy, mommy, para pong totoong-totoo! Para nga akong humihingal pa sa
pagod paggising ko….,” bulalas ni Jack nang sila’y nag-aagahan na.
“Para namang disaster movie ang panaginip mo!” tudyo ni Anne. “’Yan kasi,
palibhasa’y walang mapagpuyatang video dito sa Mindoro, midnight snack naman ang
napagtripan, naimpatso tuloy, at muntik nang bangungutin!”
“Dati-rati, panay namang masasaya ang mga panaginip ko,” sabi ni Jack.
Napatingin siya kay Pete, ang kaniyang ama. Tahimik itong kumakain, tila nag-iisip
nang malalim. Iniisip ni Pete ang nangyari kahapon. Silang apat ay dumalo sa pagbibinyag ng isang
batang Mangyan. Ang pagbibinyag ay ginawa ng isang dayuhang misyonerong Kristiyano,
na ilang taon nang nakikipamuhay sa mga katutubo ng bundok, at sa pag-uugali,
pananamit at pananalita’y aakalain mong isa na ring Mangyan.
Maraming Mangyan ang dumalo sa binyag, ngunit hindi sila lubos na masaya, kahit
pa man umaapaw ang hapag na kawayan sa dami ng pagkaing-gubat na pinag-ambagambagan ng maraming kamag-anak at kakilala. Ilan sa kanila ang naglakas-loob na
magsalaysay ng kanilang mga karanasan nitong nakaraang mga araw.
Isang matandang Mangyan ang huling nagsalita.
“Saan pa po kami pupunta? Itinataboy kami ng mga nagmimina at nagtotroso mula
sa aming tinitirhan. Itinataboy kami ng mga nang-aagaw ng lupa mula sa burol. Kami
pong mga katutubo ay ipit na ipit na, paatras kami nang paatras paakyat sa bundok, at
nalalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay. Para nang bulkang sasabog ang
aming mga dibdib sa sama ng loob!”
Nasaksihan nina Pete at Tet at ng dalawa nilang anak ang paghihimagsik ng look at
ang pagtulo ng luha ng mga Manyan. Nang umiyak si Ambo ay nangilid din ang luha ng
magkapatid.
Si Jack at si Anne, na kapuwa tubong-Amerika ngunit laking-Maynila at
nakapaglakbay na sa ibayong dagat, ay dinala sa Mindoro ng kanilang mga magulang
upang magkaroon ng “kakaibang karanasan” at “katutubong kaalaman”.
Si Pete ay isang doktor. Si Tet ay isang guro, manunulat at mananaliksik. Ilang
taon din silang naglagi at nagpakadalubhasa sa Amerika, bago naisipang umuwi sa
Pilipinas upang doon palakihin ang dalawa nilang anak. Nanaig sa kanila ang hangaring
makatulong sa anumang paraan para sa kanilang mga kababayan, matapos silang
dumalo sa isang “solidarity congress” na idinaos sa San Francisco, California, noong
panahon ng Batas Militar, ilang taon na ang nakararaan.
Isang delegasyon ng mga aktibista at mga pinuno ng katutubong Pilipino ang
nagbigay ng iba’t ibang uri ng pagtatanghal – mga dula at tula, mga sayaw, mga video ng
mga pangyayari sa Pilipinas sa ilalim ng diktadura, lalo na ang kalunos-lunos na kalagayan
ng mga katutubong Pilipino. Ang karaniwang tawag sa kanila ay “mga minorya”, o “mga
taong-bundok”, o kaya’y “mga pagano”. Naantig ang damdamin ng mag-asawa, at sila’y nagtanong kung paano makatutulong
ang mga Pilipino sa ibayong dagat upang mapabuti ang kalagayan ng mga katutubo sa
Pilipinas.
“Maaari kayong magpadala ng mga pangkat na magsasagawa ng imbestigasyon sa
aming tunay na kalagayan,” wika ng isang kinatawan ng mga Lumad sa Mindanao.
“Maaari kayong sumulat at magsiwalat ng kasamaang dulot ng mga proyektong
nakasisira sa kalikasan, at sumasakop sa aming lupaing ninuno,” wika naman ng isang
pinuno ng tribung taga-Kordilyera.
“Maaari rin kayong magpadala ng mga manggagamot at mga guro sa aming pook
upang bigyan ng lunas ang aming mga karamdaman, at turuan kaming bumasa at
sumulat, upang maipaglaban namin ang aming mga karapatan,” payo naman ng isang
tagapagsalita ng mga Mangyan.
Ilang buwan pagkatapos nilang dumalo sa kongresong iyon, pabalik na sa Pilipinas
ang mag-asawang Pete at Tet, kasama ang kanilang dalawang anak. Sa Maynila na nila
papag-aaralin sina Anne at Jack, habang sila’y lalahok sa mga proyektong may kinalaman
sa pagtulong sa mga katutubong Pilipino.
Maraming nagtaka kung bakit nagpasiyang umuwi ang mag-asawa, samantalang
maaliwalas ang kanilang kinabukasan sa Amerika. At lalo silang nagtaka kung bakit
madalas na dumalaw sina Pete at si Tet sa mga katutubo, na nasa malalayong
bulubundukin ng Luzon, Kabisayaan at Mindanao.
Sari-saring palagay at payo ang narinig ng mag-asawa mula sa mga kamag-anak –
kabilang na ang kanilang mga magulang – mga kaibigan, at mga dating kamag-aral.
“Bumalik na lang kayo sa Isteyts, alang-alang sa mga anak n’yo! Tutal, sa Amerika
kayo nag-aral at nagkaanak, kaya sanay na kayo sa buhay-isteytsayd!”
“Naku, kailangan daw ngayon ang mga doktor at titser sa US, Saudi at Canada! Aplay
na kayo! Sabay-sabay na tayong umalis! Wala na yatang pag-asa itong bayan natin!”
“Ano? Medical mission na naman sa mga tribu? Mapagkamalan ka pang isang
rebelde, kasi gusto mong tumulong sa mahihirap! Tingnan mo ang nangyari kay Dr.
Bobby de la Paz, at Dr. Johnny Escandor!” Alam ni Pete kung sino ang tinutukoy nila. Mga bayaning doktor na nangasawi
habang nanggagamot sa mahihirap sa kanayunan. Pinagbintangan silang mga kasapi ng
kilusang rebelde.
“Ano’ng mapapala n’yo sa bundok? Malarya. At ano’ng ibabayad sa iyong
paggagamot? Manok, gulay, o kaya’y Diyos-na-lang-po-ang-bahalang-gumanti-sa-inyo!
Kelan mo pa mababawi ang daan-libong ginastos mo sa pag-aaral ng medisina?”
“Ha? Ipinagpalit mo ang pagiging propesor sa UP sa pagtuturo sa mga taong nasa
bundok, at wala ka pang suweldo?”
Ngunit nangingiti na lamang ang mag-asawa. Malalim ang pagnanais nilang
dumamay sa mga kababayan at kalahi nilang wika nga’y tinalikdan na ng panahon
at pinabayaan na ng pamahalaan. Sa kaunting panahong nakipamuhay sila sa
mga katutubong ito, nagkaroon ng bagong kahulugan ang kanilang buhay bilang
manggagamot at guro.
Matuling lumipas ang panahon, at nang malaki-laki na sina Anne at jack, isinasama
na sila ng kanilang mga magulang, tuwing bakasyon, sa kanilang medical mission at
educational outreach sa iba’t ibang tribu sa Pilipinas. At ngayon ngang taong ito, naisipan
ng mag-asawa na bumalik sa Mindoro upang muling dalawin ang kanilang mga kaibigang
Mangyan.
Dalawang buwan silang maninirahan sa bayan ng Pinagkamalayan, sa Silangang
Mindoro. Ang bayang ito ay nasa mga burol sa paanan ng kabundukang kinaroonan ng
matayog na Halcon. Hindi makita halos ang ituktok nito, na tinawag ng mga Mangyan na
‘lagpas-ulap’.
Masigla ang magkapatid habang umaakyat sa kabundukan ang kanilang sasakyan.
Ilang kilometro sa Pinagkamalayan, pataas na ang lupa. Dito nagsisimula ang gubat na
laging maulap at maulan. Nasa ilang at liblib na pook na iyon ang Bagong Nayon, na
siyang kinaroroonan ng mga Mangyang matagal nang kakilala ng kanilang mga magulang.
Dito rin nila unang nakilala si Ambo. Halos magkasinggulang si Ambo at si Jack. Payat
at may kaliitan si Ambo, samantalang si Jack ay mabulas na bata.
“Bakit hindi ka na nag-aaral?” naitanong minsan ni Jack kay Ambo. Si Jack ay nasa
ikaanim na baytang ng elementarya sa Maynila. “Greyd Tu na ako nang kami’y pinalayas sa aming nayon. Malapit kami noon sa iskul.
Dito, kailangan pang maglakad nang napakalayo… kaya tumigil na lang ako… pati ‘yung
ibang mga bata, nahinto na rin…”
Malungkot si Ambo tuwing magkukuwento siya.
“Isang araw, may dumating na mga tao, galing sa Maynila. May dala silang… ano ba
‘yun?... papeles yata ang tawag. Magmimina raw sila ng karbon, o kaya’y ginto, sa aming
lugar. Sila na nga ang nagpapaalis, sila pa ang galit…”
Marami rin namang tanong si Ambo sa magkapatid.
“Nagtataka ‘yung ibang Mangyan dito. Bakit daw ‘Merkano yata ang mga pangalan
n’yo, pati na ang mga magulang n’yo?”
Natawa ang magkapatid.
“Kasi,” paliwanag ni Jack, “sa Amerika kami pareho ipinanganak. Doon nagtapos ng
pag-aaral ang mommy at ang daddy…”
“Ang totoo,” wika naman ni Anne, “si Jack ay Santiago at ako’y Anna Maria. Ito ang
mga pangalang pinili ng aming lolo’t lola, na may lahi raw Kastila!”
“At ang buong pangalan ng aming mga magulang ay Pedrito at Teresita,” paliwanag ni
Anne.
Di malaman ni Ambo kung siya’y mapapatango o mapapailing. Lalo lamang siyang
nalito sa paliwanag ng magkapatid.
Ilang linggong nanirahan ang mag-anak sa Bagong Nayon. Masayang-masaya si
Jack at si Anne. Marami na silang natututuhan dito, na hindi itinuturo sa paaralan!
Ang kabataan ay mahusay humilis ng katutubong biyolin, at kumalanting ng gitara.
Tumututugtog din sila ng agung kasabay ng matatanda.
Bihasa rin silang humabi ng damit at maglala ng basket. Nakabubuo rin sila ng mga
kuwintas mula sa mga butil at manik, at ng mga pulseras, sinturon at iba pang kagamitan
mula sa halamang ang tawag ay níto. Marami rin sa kabataan ang sanay magpatunog ng
hihip na kawayan, at gumamit ng sibat sa pangangaso. Si Ambo nga raw ay nakapag-uwi
na ng isang maliit na baboy-damo! At itong si Ambo, gayong napakabata, ay may pambihirang galing sa ambahan.
Ito’y isang uri ng tula na binibigkas ng mga Mangyan. May iisang tugma o rima, at
bawat linya o taludtod ay pito ang pantig. O kaya’y itinititik ito sa buho ng kawayan sa
pamamagitan ng pag-ukit, at gumagamit ng sinaunang alpabetong Mangyan.
“Ang gagaling pala nilang tumula, mommy!” sambit ni Jack sa kaniyang ina.
“Mayaman ang katutubong kultura, anak, at malungkot isiping baka ito’y tuluyan
nang mawala dahil sa pagpasok ng mga dayuhang nais lamang pagkakitaan ang yaman
ng lupa…”
Nag-alay si Ambo ng ambahan sa magkapatid. Si Tet ang nagsalin para sa kanila:
Isang araw, isinama ni Ambo si Jack at si Anne sa loob ng gubat. Dala nito ang
kaniyang sibat, sakali’t makasabat sila ng baboy-damo sa kanilang paglalakad.
Tahimik na tahimik ang gubat, maliban sa huni ng ibon, kaluskos ng dahon, at anas
ng banayad na hangin.
Payat man ay malakas at maliksi si Ambo. Si Jack at si Anne pa nga ang patigil-tigil,
habol ang paghinga. Natatawa lamang si Ambo, at matiyaga niyang inantay ang mga
kaibigan.
Wala silang imikan halos. Ilang oras na silang naglalakad sa gubat. Wala pang
natutudla ang sibat ni Ambo. Ngunit siyang-siya naman ang magkapatid sa namamalas
nilang tanawin. Anong yamang pala ng gubat sa luntiang halaman, mga ligaw na bulaklak
na matingkad ang kulay, maiilap na hayop, at mga ibong umaawit!
Nakarating sila sa isang mabatong gulod. Mula rito’y tanaw nila ang malayong dagat.
Maya-maya’y nagdilim ang langit. Gumuhit ang matalim na kidlat. Nayanig ang bundok
sa lakas ng kulog. Bumuhos ang ulan. Sumilong ang tatlo sa isang yungib. Doon na sila inabot ng ginaw at gutom. Di
naglaon ay humupa ang unos sa bundok.
“Bumalik na tayo,” sabi ni Ambo. “Mukhang sasama pa ang panahon.”
Maingat silang bumaba sa nagputik na dalisdis ng bundok. Nang bigla, nakarinig sila
ng ingay, parang hinahawing mga dawag. Papalapit sa kanila ang ingay na iyon.
“Kubli!” anas ni Ambo.
Nagtago sila sa ilalim ng isang nakayungyong, mayabong na pako, sa likod ng
matatayog na puno. Nag-antay sila. Inihanda ni Ambo ang kaniyang sibat.
“Baka baboy-damo na!” usal ni Jack, na bagama’t nananabik ay nanginginig naman at
kinakabahan.
Sa halip, ang lumitaw ay isang pangkat ng mga lalaki at babae. May dalang baril
ang mga ito, at may pasang mga knapsack sa likod. Masaya silang nag-uusap, bagama’t
mukhang hapo. Ang iba sa kanila ay Mangyan.
“Kilala ko sila,” bulong ni Ambo sa magkapatid.
Hindi sila nagpakita. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ni Jack at ni Anne nang sila’y
muling lumakad.
Pagkaraan ng mga isang oras ng maingat na pagbaba sa kabundukan, sumigaw muli
si Ambo.
“Kubli!”
Nagsumiksik sa ilalim ng isang punong ibinuwal ng bagyo. Sa pagitan ng mga nagusling ugat, makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng mga nag-usling ugat,
makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng bagong ingay. Papalakas ang mga yabag
at mga tinig. Lumitaw mula sa makapal na dawag at kakahuyan ang isang pangkat ng
kalalakihan.
Nakasuot sila ng unipormeng batik-batik at kulay-berde, nakagora ng itim, at
sandatahan. Nakapulupot sa kanilang katawan ang tila ahas na lalagyan ng kanilang mga
bala. Mabalasik ang kanilang anyo, palinga-lingang anaki’y may hinahanap o tinutugis na
kaaway o tulisan. Parang pinitpit na luya ang tatlong bata. Wala silang katinag-tinag. At wala silang
imikan nang magpatuloy sila sa pagbaba ng bundok.
Lumakas uli ang ulan. Sala-salabat ang kidlat. Dumagundong ang kulog. Sa pagitan
ng malalakas na kulog ay parang may narinig silang sunod-sunod na maliliit na kulog sa
di-kalayuan. Mga putok ng sandata.
Matuling lumipas ang dalawang buwan, at natapos ang bakasyon ng magkapatid.
Malungkot silang nagpaalam sa mga taga-Bagong Nayon, lalo na kay Ambo.
Babalik kami sa isang taon, pangako ‘yan!” sabi ni Anne.
“Aakyat uli tayo sa bundok!” nakatawang sabi ni Jack.
“Kung… narito pa kami…,” mahinang tugon ni Ambo.
Nagkaroon ng simpleng seremonya ang Bagong Nayon bilang pasasalamat kina Pete
at Tet sa kanilang pagtulong. Maraming nagamot si Pete. Marami rin siyang natutuhan
tungkol sa mga likas na panlunas na matatagpuan sa kagubatan. Marami namang
naturuan si Tet sa pagsulat at pagbasa. Marami rin siyang natutuhang mga ambahan,
awit at mga alamat mula sa mga kaibigang Mangyan.
“Dapat din kaming magpasalamat sa inyo,” tugon ng mag-asawa sa kanilang
pamamaalam. “Marami kaming natutuhan sa inyong lahat, at maging ang dalawa
naming anak ay namulat sa napakaraming kaalaman ng mga katutubo!”
Bago sila umalis, bumigkas uli si Ambo ng isang ambahan para sa kanila:
Paalam, kaibigan
salamat sa pagdalaw
sana’y di malimutan
malayong kabundukan
ay laging naghihintay
nananabik ang buhay
sa ating katuwaan
hindi ito paalam
masayang paglalakbay!

3 comments:

Pano i Describe si ambo bilang tula na may 8/12 na pantig bawat linya.?

salamat dito bro, di ko na kailangang mag encode ulit hehe

tungkol saan ang kwento? plss answer

Mag-post ng isang Komento